NAGBUHOS si Jayson Tatum ng 29 points upang pangunahan ang Boston Celtics sa 124-95 panalo kontra Luka Doncic at Dallas Mavericks.
Ang Celtics ay may best record sa NBA, subalit natalo sila ng dalawang sunod bago ang laro sa Dallas.
“It was a tough one the other day,” wika ni Tatum sa isang on-court post-game interview sa pagkatalo ng Celtics sa Thunder sa Oklahoma City noong Martes.
“We lost two in a row, but we had a responsibility just to respond, to play better. That last two games hasn’t defined our season. We’re one of the best teams and we just had to come out and play like it and get back to playing like we know how.”
Naipasok ni Tatum ang walo lamang sa 22 tira mula sa field, ngunit nagdagdag siya ng 14 rebounds at 10 assists sa kanyang ikalawa pa lamang na triple-double.
Umiskor si Jaylen Brown ng 19 points para sa Celtics, na tinapos ang seven-game winning streak ng Mavericks.
Tumipa si Doncic, may average na stunning 46.2 points, 12.7 rebounds at 10 assists sa naunang limang laro, ng 23 points at nasa bench sa buong fourth quarter makaraang kunin ng Celtics ang 24-point lead papasok sa final period.
Grizzlies 123, Magic 115
Napanatili ng Memphis Grizzlies ang pressure sa Denver Nuggets sa ibabaw ng West sa 123-115 panalo laban sa Magic sa Orlando.
Umiskor si Ja Morant ng 32 points at nagdagdag si Jaren Jackson ng 31 para sa Grizzlies, na umabante ng hanggang 25 points sa kalagitnaan ng third quarter.
Jazz 131, Rockets 114
Nagbuhos si Finland’s Lauri Markkanen ng career-high 49 points upang pagbidahan ang Utah Jazz sa 131-114 panalo kontra Rockets.
Pinutol ng Utah ang five-game skid upang manatili sa 10th place sa West.