MAVS GINIBA ANG LAKERS

MULING nagpasiklab si Luka Doncic upang tulungan ang Dallas Mavericks na pataubin si LeBron James at ang  Los Angeles Lakers,  127-125, nitong Martes.

Naiposte ni Doncic ang kanyang ika-8 sunod na  30-point game makaraang tumapos na may  33 points, 17 assists at 6 rebounds sa kapana-panabik na back-and-forth duel sa  Lakers, naglaro sa unang pagkakataon magmula nang magkampeon sa  inaugural in-season tournament noong Sabado.

Ang laro ay tinampukan ng walong lead change, kung saan binura ng Lakers ang 15-point deficit sa pamamagitan ng malaking third quarter at itinarak ang four-point lead sa kaagahan ng fourth.

Subalit nanalasa si Dante Exum ng Dallas sa final period sa pagkamada ng 17 points — kabilang ang limang  three-pointers –upang bitbitin ang  Mavs sa panalo.

Kumabig si Exum ng  26 points, habang nagdagdag si Tim Hardaway Jr. ng 32 points mula sa bench para suportahan si  Doncic.

Nanguna si Anthony Davis para sa Lakers na may 37 points mula sa 15-of-21 shooting, habang nag-ambag si James ng  33.

Celtics 120,

Cavaliers 113

Nalusutan ng Boston Celtics ang mabagal na simula upang gapiin ang Cleveland Cavaliers at mapanatili ang kanilang unbeaten home record.

Umiskor sina Jayson Tatum at  Jaylen Brown ng tig- 25 points habang tumapos si Kristaps Porzingis na may 17 sa gabing nagposte ang lahat ng limang starters ng double-digit tallies.

Subalit kinailangan ng  Eastern Conference leaders na kumayod nang husto para maitakas ang panalo makaraang maghabol ng 15 points sa first quarter kasunod ng ilang  turnovers at masamang shooting.

Umabante ang  Cavs ng 10 points matapos ang  first period subalit sumagot ang Celtics ng  38-point second period upang tapyasin ang deficit sa one-point sa half-time.

Nanguna si Donovan Mitchell para sa Cleveland na may 29 points habang tumapos si Darius Garland na may 26.

“We got off to a slow start but we picked it up and some shots started to fall,” wika ni Tatum matapos ang laro.