MAVS NAKAUNA SA T-WOLVES

UMISKOR si Luka Doncic ng 33 points, kabilang ang 15 sa  fourth quarter, at dinispatsa ng  Dallas Mavericks ang Minnesota Timberwolves, 108-105, sa Game 1 ng Western Conference finals noong Miyerkoles ng gabi sa Minneapolis.

Nagdagdag si Kyrie Irving ng 30 points sa 12-for-23 shooting para sa Dallas. Muntik nang maka-double-doubles sina Daniel Gafford (10 points, 9 rebounds) at  Dereck Lively II (9 points, 11 rebounds).

Tumipa si Jaden McDaniels ng 24 points at ibinuslo ang 6 sa 9 attempts mula sa arc upang pangunahan ang lTimberwolves. Tumapos si Anthony Edwards na may 19 points, 11 rebounds at 8 assists, at umiskor si Karl-Anthony Towns ng 16.

Na-outscore ng Mavericks ang Minnesota, 26-22, sa fourth quarter na nakatulong upang makuha ang three-point win.

Bumanat ang Dallas ng 13-0 run upang kunin ang 97-89 lead, may 7:38 sa orasan. Sinindihan ni Doncic ang run sa pitong sunod na puntos at tinapos ito sa pares ng free throws.

Sumagot ang Minnesota ng 10-1 run upang kunin ang 99-98 bentahe, may  4:39 ang nalalabi. Isinalpak ni Towns anv isang 3-pointer mula sa 28 feet upang bigyan ang Timberwolves ng kalamangan.

Matapos ang timeout, ipinasok ni Edwards ang isang 3-pointer upang palobohin ang kalamangan ng Minnesota sa 102-98, may 3:37 sa orasan.

Sumagot ang Mavericks sa  back-to-back 3-pointers nina Doncic at P.J. Washington upang umabante sa  104-102, may 1:56 ang nalalabi. Sinundan ito ni Doncic ng step-back jump shot upang ilagay ang talaan sa 106-102, may 49.2 segundo ang nalalabi.

Napanatili ng Dallas ang kalamangan hanggang sa dulo.

Tangan ng Timberwolves ang 83-82 bentahe sa pagtatapos ng  third quarter.

Kumana si Gafford ng pares ng alley-oop dunks sa pagsisimula ng second-half. Sinundan ito ng dunk ni  Derrick Jones Jr. pagkalipas ng dalawang  minuto  na nagbigay sa Dallas ng 67-66 kalamangan para sa una nitong bentahe magmula sa opening quarter.

Abante ang Minnesota sa  62-59 sa halftime. Nagtala si McDaniels ng 19 points bago ang break, na isang playoff career high niya sa anumang  half.

Angat ang Timberwolves ng 8 points sa  final minute ng first half, subalit umiskor si Irving ng 5 points sa huling 22 segundo upang makalapit ang Dallas sa tatlong puntos.  Tinapos niya ang scoring sa pagkamada ng isang three-point play sa basket at isang free throw, may 0.7 segundo ang nalalabi.