MAVS SA WEST FINALS

ISINALPAK ni P.J. Washington ang dalawang free throws, may 2.5 segundo ang nalalabi, at umabante ang Dallas Mavericks sa Western Conference finals sa ikalawang pagkakataon sa nakalipas na tatlong seasons sa 117-116 panalo laban sa bisitang Oklahoma City Thunder noong Sabado ng gabi.

Si Washington ay na-foul habang tumitira ng 3-pointer at sinadyang imintis ang  ikatlong free throw upang hindi makatawag ng timeout ang Thunder squad para makapagplano para sa final shot.  Ang 64-footer ni Jalen Williams habang paubos ang oras ay hindi man lamang umabot sa  basket at nasibak ang top-seeded Oklahoma City sa Game 6 ng second-round playoff series.

Nagbuhos si Luka Doncic ng  29 points, 10 rebounds at 10 assists para sa  fifth-seeded Mavericks. Nagdagdag sina  Kyrie Irving at Derrick Jones Jr. ng tig-22 points, umiskor si Dereck Lively II ng 12 points at kumalawit ng 15 rebounds mula sa bench at tumipa si Daniel Gafford ng 10 points.

Nagposte si Shai Gilgeous-Alexander ng 36 points at 8  assists para sa Oklahoma City. Nagdagdag si Williams ng 22 points, 9  rebounds at 8  assists, at nakalikom si Chet Holmgren ng 21 points para sa Thunder.

Makakaharap ng Mavericks ang mananalo sa Denver Nuggets at Minnesota Timberwolves sa conference finals.