MAVS SINILAT ANG BUCKS SA OT

MULING nagningning si Luka Doncic upang pangunahan ang Dallas Mavericks laban sa Milwaukee Bucks sa overtime, 136-132.

Kumamada si Doncic, ang Rookie of the Year noong nakaraang season, ng triple-double na 36 points, career-high 19 assists at 14 rebounds 42 minutong paglalaro.

Ito ang ikalawang panalo ng Mavericks sa NBA restart, at laban ito sa top seed sa Eastern Conference.

Tumipa si Kristaps Porzingis ng 26 points at 11 rebounds, at tumirada si Dorian Finney-Smith ng 27 points at 11 boards, at naipasok ang free throw na naglagay sa final score para sa Mavericks.

Abante ang Milwaukee sa 119-112, may 2:28 ang nalalabi, subalit hindi sila pinaiskor ng Mavs sa mga nalabing oras sa regulation.

Tumapos si Giannis Antetokounmpo, isa sa finalists para sa Most Valuable Player award, na may 34 points at 13 rebounds, habang nag-ambag si Middleton ng  21 points at 11 assists.

Bumagsak ang Bucks sa 2-3 sa loob ng bubble.

SUNS 119,

HEAT 112

Hinawi ng Phoenix Suns ang paghahabol ng Miami Heat upang manatiling walang talo sa NBA restart.

Naipasok ni Devin Booker ang pares ng clutch field goals sa final minute at tumapos na may 35 points, habang umiskor si sophomore guard Jevon Carter ng  20 points mula sa bench para sa  Suns.

Umangat ang Phoenix sa 5-0 sa loob ng bubble, at nanatili sa kontensiyon para sa eighth at last playoff spot sa Western Conference.

Lumapit ang Heat sa apat na puntos, 111-107, mahigit isang minuto pa ang nalalabi, makaraang pasahan ni Bam Adebayo si Duncan Robinson para sa three-pointer. Subalit naipasok ni Booker ang isang step-back jumper sa sumunod na possession ng Phoenix na nagpalobo sa kanilang kalamangan sa 113-107.

PACERS 116,

LAKERS 111

Dinaig ni TJ Warren si LeBron James sa krusyal na sandali nang igupo ng Indiana Pacers ang Los Angeles Lakers sa kanilang ika-5 seeding game sa loob ng NBA bubble sa Orlando.

Patuloy ang mainit na laro ni Warren sa restart ng season, sa pagkamada ng 39 points kung saan pinalasap ng Pacers sa Lakers ang ikatlong sunod na kabiguan nito.

Sa limang laro, ang 26-anyos na si Warren ay may average na 34.8 points sa 61.4% shooting — kabilang ang  53-point outing laban sa Philadelphia 76ers. Sa kanyang pangunguna ay umangat ang  Pacers sa 4-1 sa loob ng bubble.

Nakalikom si James ng 31 points, 8 assists at 7 rebounds, subalit nahirapan si Anthony Davis sa opensa, kung saan tatlo lamang ang naipasok nito sa 14 attempts para sa 8 points.

Comments are closed.