KUMANA si Luka Doncic ng double-double, at pinangunahan ni Dorian Finney-Smith ang 3-point shooting barrage nang gapiin ng host Dallas Mavericks ang Phoenix Suns, 111-101, upang itabla ang kanilang Western Conference semifinal series sa 2-2 nitong Linggo.
Nagbuhos si Doncic ng 26 points at 11 assists, habang umiskor si Finney-Smith ng 24 points, kabilang ang 8 of 12 3-pointers para sa Mavericks na naipasok ang 20 sa 44 attempts mula sa arc. Tumipa si Jalen Brunson ng 18 points, at nagdagdag sina Davis Bertans ng 12, Maxi Kleber ng 11 at Spencer Dinwiddie ng 10.
Kumubra si Devin Booker ng 35 points, kumabig si Jae Crowder ng 15, nag-ambag si Deandre Ayton ng 14 at 11 rebounds, at nagposte si Cameron Johnson ng 11 para sa Suns, na nagtala ng 9 of 25 3-pointers.
Naglaro si Suns guard Chris Paul sa loob lamang ng 23 minuto, at tumapos na may 5 points at 7 assists bago na- foul out, may 8:58 ang nalalabi.
Lalaruin ang Game 5 sa Martes ng gabi sa Phoenix.
Umabante ang Mavericks sa 87-78 nang bumalik si Paul sa laro na may limang fouls at 10:28 ang nalalabi. Walong puntos pa ang kalamangan nang ma-foul siya pagkalipas ng isa’t kalahating minuto.
Isang basket ni Mikal Bridges ang naglapit sa Phoenix sa anim na puntos bago bumanat si Finney-Smith ng magkasunod na 3-pointers para makumpleto ang 8-0 run na nagbigay sa Dallas ng 97-83 lead sa kalagitnaan ng fourth quarter.
76ERS 116,
HEAT 108
Matapos ang scoreless na first quarter, nagpasabog si James Harden ng 31 points para tulungan ang fourth-seeded Philadelphia 76ers na pataubin ang top-seeded Miami Heat at maipatas ang kanilang best-of-seven Eastern Conference semifinal series sa 2-2.
Nagdagdag si Harden ng 9 assists at 7 rebounds, at isinalpak ang isang 3-pointer, may 1:07 ang nalalabi para sa 114-103 bentahe. Nakakuha rin ang 76ers ng 24 points at 11 rebounds mula kay Joel Embiid, habang tumipa si Tyrese Maxey ng 18 points.
Nakatakda ang Game 5 sa Martes ng gabi sa Miami, kung saan magaan na nagwagi ang Heat sa unang dalawang laro. Subalit kontra ito sa Philadelphia team na wala si Embiid, na na-sideline dahil sa concussion at fractured orbital bone sa kanyang kanang matamo na tinamo sa Game 6 ng first-round series win ng 76ers kontra Toronto.
Nagbuhos si Jimmy Butler ng game-high 40 points sa 20 field goal attempts para sa Heat. Gayunman ay wala siyang nakuhang sapat na tulong mula sa kanyang teammates. Nagdagdag si Bam Adebayo ng 21 points, ngunit dalawang iba pang Heat players lamang ang nagtala ng double figures.
Umiskor si Victor Oladipo ng 15 points mula sa bench para sa Miami, na 7 of 35 lamang sa 3-pointers. Samantala, naipasok ng 76ers ang 16 sa 33 attempts mula sa arc.