TUMAPOS si Luka Doncic na may 36 points, 10 rebounds at 5 assists, at dinispatsa ng Dallas Mavericks ang Minnesota Timberwolves, 124-103, Huwebes ng gabi sa Minneapolis upang umabante sa NBA Finals.
Sinibak ng Mavericks ang Timberwolves sa limang laro sa best-of-seven Western Conference finals. Makakaharap ng Dallas ang Boston Celtics para sa titulo sa isang seven-game series na magsisimula sa Hunyo 6 sa Boston.
Ito ang unang appearance ng Dallas sa NBA Finals magmula noong 2011, nang pangunahan ni Dirk Nowitzki ang franchise sa una at tanging championship nito.
Kumana si Kyrie Irving ng 36 points sa 14-for-27 shooting para sa Mavericks. Nag-ambag si P.J. Washington ng 12 points at 7 rebounds.
Umiskor si Karl-Anthony Towns ng 28 points at kumalawit ng 12 rebounds upang pangunahan ang Minnesota. Tumapos din si Anthony Edwards na may 28 points para sa Timberwolves, na ang magical season ay nagtapos makaraang magwagi ng 56 games sa regular season at nakarating sa conference finals sa unang pagkakataon magmula noong 2004.
Namuno si Doncic sa first quarter upang bigyan ang Dallas ng kalamangan at hindi na lumingon pa.
Ang 25-year-old superstar ng Mavericks ay nagbuhos ng 20 points sa first quarter. Tinulungan niya ang Dallas na tapusin ang quarter sa 17-1 run upang kunin ang 35-19 bentahe.
Umiskor si Doncic ng walong sunod na puntos sa run sa step-back jump shot at back-to-back 3-pointers.
Ipinagpatuloy ng Dallas ang dominasyon nito sa second quarter kung saan na-outscore nito ang Timberwolves, 34-21, na nagbigay sa Mavericks ng 69-40 bentahe sa break.
Naghabol ang Timberwolves sa 97-73 sa pagtatapos ng third quarter. Umiskor si Towns ng limang sunod na puntos sa huling bahagi ng quarter sa dalawang free throws at isang 3-pointer, subalit tinapos ni Doncic ang scoring sa isang pull-up jumper.
Kailanman ay hindi nagbanta ang Minnesota sa fourth quarter. Isinalpak ni Irving ang isang step-back 3-pointer upang palobohin ng Dallas ang kalamangan sa 108-80, may 8:09 ang nalalabi.