GINANG KULONG SA PAGMUMURA AT PAGSAMPAL SA PULIS

sampal

LAS PIÑAS CITY –ARES­TADO ang isang U.S. citizen na ginang na nagmura at nanam­pal ng isang pulis na noong una ay inakala nitong aarestuhin siya kamakalawa ng hapon sa lungsod na ito.

Kinilala ni Las Piñas City chief of police P/Col. Simnar Gran ang suspek na si Cheryl Hawkins Bautista, residente ng Bacoor City, Cavite.

Base sa report na isinumite ni Gran, nangyari ang insidente ka­makalawa ng hapon makaraang makatanggap sila ng tawag galing sa isang kainan sa lungsod na may kostumer silang babae na medyo nakainom na nagwawala sa kanilang lugar.

Napag-alaman sa may-ari ng kainan na nagbaba­yad naman ang suspek sa kinain nila ng kasama niyang babae ngunit credit card ang ibinabayad nito na hindi nila tinanggap.

Nang dumating ang rumespondeng pulis, nilapitan nito ang suspek upang tanungin ang kanyang panig sa pangyayari ngunit pinagsisigawan at pinagmumura ito ni Bautista na inakalang aarestuhin siya.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa isang parking area, makikitang pinakakalma ng pulis at ng kanyang kasamahang babae ang ginang ngunit patuloy na pinagmumura nito ang rumespondeng pulis.

Sa ipinakitang kilos at pagmumura ng ginang na napaulat na nakainom ng alak nang aarestuhin na si Bautista ng pulis ay sinampal nito ang pulis dahilan para posasan ito.

Habang lulan ng sasakyan, pinipigilan pa ng ginang ang mga pulis na huwag magpatunog ng wang-wang at nag-ingay pa ito.

Ayon kay Gran, hindi maganda ang ipinakitang ugali ng ginang dahil sa pagmumura nito. Patong-patong na kasong direct assault, disobedience to a person in authority, oral defamation at alarm and scandal ang isinampa ng pulisya laban sa suspek na ngayon ay nakapiit na sa detention facility ng Las Piñas City police. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.