QUEZON CITY –BAGAMAN mahigpit na seguridad ang ikinakasa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 23 sa Batasang Pambansa Complex, hahayaan nila ang mga raliyista na makalapit sa Batasan compound upang makaiwas sa kaguluhan at karahasan.
Maximum tolerance at walang mga baril ang itatapat ng PNP-NCRPO sa mga magsasagawa ng kanilang kilos protesta na inaasahang isasabay sa SONA ng pangulo.
Ayon kay NCRPO director Chief Supt. Guillermo Eleazar, todo ang paghahanda na ginagawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kasama na rito ang pakikipagpulong ng kanilang hanay sa iba’t ibang grupo ng mga raliyista, Commission on Human Rights (CHR), barangay officials at iba pa para ilatag kung hanggang saang lugar papayagan ang mga magnanais na magsagawa ng kilos-protesta.
Nilinaw pa ng heneral na hindi maghihigpit ang NCRPO sa ‘No Permit, No Rally Policy’ dahil malinaw ang utos ni Pangulong Duterte na hayaan ang mga raliyista na makapaglabas ng saloobin basta’t tiyakin na magiging maayos at matiwasay lamang ito.
Sinabi pa ni Eleazar, hindi na rin maglalagay ang kanilang hanay ng mga barb wire at mga container van sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para ipangharang sa mga raliyista.
Sa halip, sinabi ni Eleazar na mga pulis galing sa Civil Disturbance Management (CMD) ang magbabantay sa lugar at paiiralin ang maximum tolerance.
Wala rin aniyang dalang armas ang mga tauhan ng CMD kundi batuta lamang. Gayunman, may armas ang ibang pulis na security detail pero malayo aniya sa mga raliyista o sa mga nasa standby areas lamang.
Ayon sa PNP at maging sa AFP Joint task Force-NCR wala pa silang namo-monitor na banta sa seguridad o verified threat kaugnay sa Sona ng pangulo.
Nabatid na tinatayang mahigit sa 6,000 pulis bukod pa sa military contingent na ipadadala ni BGen. Abraham Claro Casis ang bagong alagad ng AFP-JTF-NCR commander na magmumula sa kanilang hanay at sa tatlong AFP major service command. VERLIN RUIZ
Comments are closed.