MAXIMUM TOLERANCE SA MGA RALIYISTA – PNP

MAXIMUM tolerance sa hanay ng mga ralyista, ang ibinabang mandato ni PNP OIC Police Lt Gen. Vicente Danao Jr., sa mga pulis na idedeploy sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Romualdez Marcos Jr., sa Lunes.

Subalit, nilinaw ng pamunuan ng PNP na hindi magdadalawang isip ang mga pulis na arestuhin ang mga pasaway na raliyista oras na magsimula silang maging bayolente sa kanilang kilos protesta na inaasahang isasabay sa SONA.

Sa ginanap na press conference sa Kampo Crame, iginiit ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na tanging sa mga designated freedom parks lamang pahihintulutan ang mga raliyista na magsagawa ng kanilang pagpapahayag.

Magugunitang, idi­neklara ng PNP na no-rally zone ang kahabaan ng Commonwealth Avenue kaya tanging sa mga designated freedom park lamang pinapayagan ang mga magsasagawa ng pagkilos partikular sa hanay ng mga militanteng grupo.

Nilinaw ni Fajardo, hindi nila papahintulutang makalapit ng Batasang Pambansa ang iba’t ibang militanteng grupo kung kaya’t nagpapatuloy ang kanilang diyalogo sa mga lider nito.

Kasunod nito, nanawagan ang PNP sa mga raliyista na payapang idaos ang kanilang mga pagkilos sa SONA ni PBBM.

Una nang kinumpirma ng grupong Bayan at ng iba pang makakaliwang grupo na magtitipon tipon sila sa Hulyo 25 upang ipahayag ang pagkadismaya sa pagkakaluklok sa puwesto ni PBBM.

Samantala, nakapagpadala na ang Kamara ng imbitasyon sa 1,300 mga bisita tulad ng mga dating presidente at bise presidente, mga mahistrado, diplomats, matataas na opisyal ng pamahalaan at iba pa.

Ngayong linggo, inaasahang minor meetings na lamang ang isasagawa ng Task Force para sa SONA habang sa darating na Biyernes ay naka-lockdown na ang Batasang Pambansa. VERLIN RUIZ