MAY 2018 INFLATION BUMAGAL

Nestor-Espenilla-Jr

BAGAMAN inamin ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Nestor Espenilla Jr., na malaking hamon ang 4.6. percent na inflation noong Mayo, nakitaan nila ito ng positibong indikasyon na unti-unting magpapatuloy ang pagbaba ng presyo at bilihin, maging ang bayarin.

Una nang tinaya ng BSP na magiging 4.9 to 5.4 percent ang inflation sa katatapos na buwan su­balit iniulat ng Philippine Statistic Authority (PSA) na umabot lamang ang inflation ng 4.6 percent.

Mas mataas ito ng 0.1 percent noong Abril na may 4.5% inflation.

Tinukoy naman ni Espenilla ang sanhi ng pagtaas ng bilihin at ito ay alinsunod sa supply and demand o ang tinatawag na seasonal rate adjustment at seasonal factor.

Halimbawa aniya, kapag buwan ng Marso na panahon ng graduation, tumataas ang presyo  ng tela at papel dahil mataas ang demand para sa gaga-miting toga at diploma  subalit hindi ito maituturing na inflation.

Dagdag pa ng BSP governor na bumaba rin ang inflation sa Metro Manila habang naitatala pa rin ang pagtaas ng mga bilihin sa mga probinsiya.

HINDI “GO SIGNAL” PARA SA PAY HIKE

May apela naman ang BSP sa mga manggagawa na huwag naman aniyang gawing dahilan ang inflation para humiling ng malawakang taas-suweldo.

Ito aniya ay dahil hindi pa kaya ng mga negosyante na magdagdag ng pondo sa kanilang ope­rational expenses.

Gayunman, may ginagawa aniya silang hakbang para naman mabawasan ng mga tao ang pag-utang sa bangko.

Huwag din aniyang tingnan ang inflation kundi ikonsidera ang tinatakbong magandang ekonomiya kung saan kanilang inaasahan na aabutin ang growth domestic product na 7.8 percent ngayong taon.

Samantala, naniniwala rin si Espenilla na bagaman ang 4.6 percent May inflation na pinakamataas sa loob ng limang taon,  huhupa rin ang epekto nito lalo na’t  nasa maayos na sitwas­yon ang ekonomiya ng bansa.

TRAIN LAW MAY MINIMAL EFFECT SA PRESYO NG BILIHIN

Magugunitang maging ang Department of Budget and Ma­nagement ay umapela rin na huwag isisi sa tax reform for accele­ration and inclusion (TRAIN) law ang pagtaas ng bilihin dahil ayon sa pag-aaral hindi ang nasabing batas ang sanhi ng pagtataas ng presyo ng bilihin at sa katunayan, 0.4 percent lang ang naambag nito sa inflation.

Napaulat din na ilang negos­yante ang ginawang rason ang ­implementasyon ng TRAIN law subalit hindi umano ito maituturing na bahagi ng inflation.     EUNICE C.

Comments are closed.