BATANGAS CITY- NILINAW ng militar kahapon na ang lalaking dinukot sa Sto. Tomas City, Batangas ay inaresto ng mga tauhan ng 903rd Infantry Brigade dahil wanted ito sa tatlong kaso ng murder at sa pagiging miyembro ng New People’s Army.
Ayon kay Lt Col. Rodel Ban-O, Chief of police ng Sto. Tomas city, ang suspek ay nakilalang si Jose Marie Estiller, 41-anyos, tubong Bicol Region at kapatid ng aktibistang nasa kustodiya ng militar na si Jean Estiller.
Una nang napaulat ang pagdukot kay Estiller na nakunan ng CCTV sa isang subdibisyon sa Barangay San Pedro habang naglalakad patungo sa inuupahang bahay nito.
Sa kuha ng video, nakita ang tatlong armadong lalaking naka-light blue T-shirt habang hinihila si Estiller pasakay sa isang puting van.
Ang naturang insidente ay inireport ng kapatid ni Estiller sa himpilan ng pulisya.
Sa ginawang case conference ng Sto. Tomas city Police, inihayag ni Ban- O na si Estiller ay nasa kustodiya na ng 903rd Infantry Brigade sa Castillo, Sorsogon.
Lumalabas sa imbestigasyon na si Estiller ay nahaharap sa tatlong kaso ng murder at isang violation ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms Law.
Sinabi naman ni Col. Dennis Cana, public information officer ng Southern Luzon Command, na si Estiller ay dating miyembro ng New People’s Army at nakatakdang sumuko na sa Local Government Unit ng Sorsogon. ARMAN CAMBE