MAY ALLERGIES MAGPATINGIN MUNA BAGO MAG-COVID VACCINE

DAPAT muna umanong magpakonsulta sa kanilang mga doktor ang mga indibidwal na may food o medicine allergies bago tuluyang magpaturok ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang payo ay ginawa ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire kasunod na rin ng nalalapit nang pagdating sa bansa ng COVID-19 vaccines.

Ayon kay Vergeire, mahalagang makakuha ng payo ng doktor ang mga taong may allergic reactions at sertipikasyon kung maaari silang tumanggap ng bakuna.

Sa panig naman ni Philippine Foundation for Vaccination chief Dr. Lulu Bravo, sinabi nito na mahalaga ring iwasan ng publiko na magpabakuna ng COVID-19 vaccine, kung nakapagpa-iniksiyon na ng bakuna para sa ibang sakit ng parehong panahon.

Babala ni Bravo, maaaring magkaroon ito ng masamang epekto sa katawan.

Aniya, kailangang magkaroon ng apat na linggong pagitan sa bawat pagpapabakuna.

Gayunman, ang pinakamahalaga sa lahat ay alamin muna ng isang indibidwal ang estado ng kaniyang katawan at kalusugan lalo na kung siya ay may ‘pre-existing medical condition’ bago sumailalim sa pagpapabakuna lalo na at walang konsultasyon sa manggagamot.

Dapat din umanong magtiwala ang publiko sa bakuna dahil sa kung hindi sasailalim dito ay mas lalo lang na inilalantad sa panganib ang sariling kalusugan.

Dagdag pa niya, “Lahat ng ‘yan ay may tinatawag na side effect or some unexpected things that can happen, pero hindi ibig sabihin nun eh matatakot ka na sa buong mundo. Sabihin mo hindi ka na magpapabakuna, parang mali ‘yun dahil iri-risk mo ang buhay mo.” Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.