SOBRANG init na naman ng panahon dahil sa pagpasok ng tag-araw. Sa ganitong mga panahon natin kinakailangan ng sapat na suplay ng elektrisidad lalo na’t nag-anunsiyo na naman ng yellow alert ang Department of Energy (DOE) dahil sa pagbaba ng reserba ng koryente sa Luzon power grid.
Sa totoo lang, at magpakatotoo tayo… kulang talaga ang reserba ng koryente ng ating bansa. Ang isang paraan para tugunan ang problemang ito ay pagkakaisa ng sambayanang Filipino para magkaroon tayo ng isang praktikal na solusyon para mapaigting ang pag-generate ng kapasidad ng koryente sa bansa at maiwasan ang kakulangan ng suplay ng enerhiya sa mga susunod na taon.
Heto pa ang isang katotohanan. Napakaluma at malapit nang bumigay ang mga planta ng koryente sa bansa. Dahil dito, malimit ang biglaang pagsara ng mga ito upang kumpunihin. Ang tawag dito ay ‘unscheduled maintenance shutdowns’. Ito ang dahilan kung bakit bigla na lang mag-aanunsiyo ang Meralco at ang NGCP na nasa Yellow Alert ang kapasidad ng ating koryente.
Kailangan na nating palitan ang mga lumang planta ng koryente at magtayo ng makabagong planta na gumagamit ng modernong teknolohiya na hindi nakasisira ng ating kalikasan. Mayroon na pong ganitong klaseng teknolohiya!
Pero ang siste, nakikialam na naman ang mga grupong makakaliwa at walang humpay na nagpapalabas ng mga mapanlinlang na kampanya para lang isulong ang kanilang pansariling kapakanan. Dahil dito, pinagkakaitan nila ang sambayang Filipino na magkaroon ng maasahan, sapat, at murang koryente na kailangan para patuloy na umunlad ang ating bansa at mabigyan ng trabaho ang maraming tao.
Ang nakalulungkot pa rito ay patuloy na dinidiin ng grupong makakaliwa na masama ang coal plants. Hindi nila iniisip na ang kanilang pagtutol ay nagiging malaking balakid lamang sa pag-unlad ng bansa.
Ayon sa kanila, ang mga plantang ito ay isang kaaway sa paglago ng ating bansa. Pero ang kanilang pananaw ay hindi objective at walang malinaw na basehan. Ang kanilang suhestiyon ay total ban sa pagtayo ng coal plants at hayaan na lamang gamitin ang mga lumang coal plant at umasa na muna sa mga maliliit na pagkukunan ng koryente mula sa renewables tulad ng solar at wind. Wala tayong argumento rito. Ang mga renewable energy (RE) ay isang maaring mapagkukunan ng suplay ng ating koryente. Subali’t maliit ang kanilang ‘base load capacity’. Hindi nito kayang matustusan ang pangkalahatang pangangailangan ng reserba ng koryente sa buong bansa. Sa madaling salita, mas marami ang kailangang itayo ng mga RE na mas malaki ang gastos upang itayo ang mga ito. Ano ang resulta nito? Mas mataas ang presyo ng koryente na ipapasa rin sa sambayanan. ‘Yan po ang katotohanan.
Panay ang pagtutol ng mga militante na magtayo ang bansa ng makabagong coal plant. Subali’t walang maibigay na alternati-bong solusyon para maseguro na may sapat na kapasidad ang bansa ng enerhiya sa darating na dekada. Alam ba ninyo na bibilang ng hanggang limang taon para maitayo ang coal plants? Ganu’n din sa mga RE! Kailan pa natin sisimulan ito kung puro sila protesta?
Tama si Energy Secretary Al Cusi na dapat na maging neutral tayo sa pagpili ng teknolohiya na makatutulong para magkaroon tayo ng sapat na enerhiyang kapasidad para matugunan ang pangangailangan ng bansa. Hindi dapat maglalagay ng limitasyon at quota ang DOE sa isang teknolohiya lamang. Maaring magsama ang coal plants at RE. Importante na magkaroon tayo ng sapat na suplay ng koryente dahil kung hindi nasa bingit ng alanganin ang bansa. Sa madaling salita, mababaw at pinaiiral ng mga grupong makakaliwa ang pansariling kapakanan kaysa isipin ang mas makabubuti sa sambayanan.
Comments are closed.