(May anim na sakay) SEARCH AND RESCUE OPS SA CESSNA PLANE

KUMILOS na rin kahapon ang Philippine Air Force (PAF) para tumulong sa paghahanap ng nawawalang Cessna plane na may anim na sakay habang papunta na Maconacon, Isabela.

Ito ay makaraang, ideklara ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nasa “Distress Phase” na ang nawawalang eroplano kasunod ng pagkawala nito matapos mag-take-off mula sa Cauayan Domestic Airport sa lalawigan ng Isabela.

Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, nakikipag-ugnayan na ang PAF sa Office of Civil Defense (OCD) Region 2 at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na siyang namamahala sa search and rescue (SAR) operations para sa anim na sakay ng ng nasabing aircraft .

Kinilala ang anim na sakay ng Cessna RPC 1174 na sina pilot Captain Eleazar Mark Joven at mga pasahero nitong sina Tommy Manday, Val Kamatoy, Mark Eiron Seguerra, Xam Seguerra, and Josefa Perla España.

Inihayag kahapon ni Castillo na may dalawang helicopter ang naka-standby ngayon sa Tactical Operations Group 2 sa Cauayan, Isabela para tumulong sa SAR operations.

Aniya, lumipad na ang isang Huey II helicopter kahapon pasado alas-10 ng umaga para magsagawa ng aerial survey pero kinailangang bumalik dahil sa sama ng panahon, subalit muli umano itong lilipad itong kapag gumanda na ang panahon.

Ang Cessna 206 commercial plane na may sakay na 6 na pasahero ay idineklarang nawawala nitong Martes matapos mag-take off sa Cauayan City Airport sa Isabela at hindi na nakarating pa sa destinasyon nito.

Ang isang Distress Phase, ayon sa mga regulasyon sa aviation ay tumutukoy sa isang sitwasyon kung saan may makatwirang katiyakan na ang isang sasakyang panghimpapawid at ang mga sakay nito ay nanganganib at nangangailangan ng agarang tulong.

Batay sa ulat ng CAAP, nakatanggap ng “uncertainty phase” alert ang operations center nito mula sa Cauayan Tower alas-3 ng hapon nitong Martes matapos matuklasan na hindi lumapag ang eroplano sa destinasyon nito.

Pagkatapos ay nagpatuloy ang aviation na itaas ang “Alert Phase” para sa eroplano bago ito itinaas sa Distress Phase.

Dagdag dito, ang mga naunang ulat ay nagpapahiwatig na ang Cessna plane na may tail number na RPC 1174, ay lumipad ng alas-2 at darating sana sa Maconacon, Isabela ng alas-3 ng hapon. VERLIN RUIZ/ FROI­LAN MORALLOS/ IRENE GONZALES