MAY ANOMALYA BA SA PHILIPPINE STATISTICS AUTHORITY?

Magkape Muna Tayo Ulit

MUKHANG nakababagabag ang nabasa kong balita tungkol sa isyu na kinasasangkutan ng Philippine Statistics Authority (PSA). Ito ay tungkol sa biglaan at kakula­ngan ng impormasyon sa pagpapatigil ng online application upang makakuha ang mga Filipino mula sa PSA ng kanilang mga birth certificate, marriage certificate, death certificate at certificate of no marriage.

Tiyempo pa man din na umpisa ng taon ay bigla na lang nabulaga ang mga nais ayusin ang mga mahahalagang dokumento na ito para sa mga ap-likasyon tulad ng paghahanap ng trabaho, pagsasaayos ng mga ari-arian, pasaporte, mana at iba pa. Kaya naman marami ang nalilito at umaangal sa nangyaring ito.

Umabot ito sa kaalaman ng ilang kongresista. Hindi naman ito kataka-taka dahil maraming mga Filipino ang kukuha ng nasabing mga sertipikasyon sa pagpasok ng 2020. Kaya naman nais ng i­lang mga mambabatas na magpaliwanag ang PSA sa ginawa nitong pagtanggal sa PSAHelpline. Ang nasa-bing online service provider ay matagal nang kinontrata ng PSA. Mahigit na 10 taon na. Sa loob ng 10 taon, wala naman tayong nakikitang kapalpakan sa kanila.

Ayon kay House Deputy Speaker Johnny Pimentel, kung hindi siya makokontento sa paliwanag ni National Statistician at PSA head Dr. Dennis Mapa ay paiimbestigahan niya ito sa Kongreso. Bukod sa pag-apply online, maaari ring tawagan ang PSAHelpline upang makakuha ng dokumento.

Dapat din umanong tingnan ang sinasabing monopolyo sa online request ng PSA na resulta ng pag-alis sa PSAHelpline. Ito ay ayon kay House As-sistant Majority Leader Precious Hipolito Castelo. Nais ni Rep. Castelo na tingnan ang anggulo na maaaring may korupsiyon dito. Dahil magiging mono­polya na ng naiwan na online service provider na  PSASerbilis kapag tinanggal ang PSAHelpine. Ayon sa aking nakalap na impormasyon, mas marami ang tumatangkilik sa PSAHelpline kaysa PSASerbilis. Kung ganoon, bakit inalis ng PSA ang serbisyo ng PSAHelpline?

Sinabi rin ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na ang dapat gawin ng PSA ay pagandahin ang serbisyo nito. Ganito rin ang sinabi ni PBA Rep. Koko Nograles sa paliwanag ng PSA kung papaano nila matatapatan ang serbisyo ng PSAHelpline ngayon na tinanggal nila. Ang hakbang daw ng PSA ay ‘disservice to the public’!

Noong Enero 4 ay inalis ng PSA ang PSAHelpline at ang naiwan na lamang ay ang PSASerbilis. May 10 taon nang magkasabay na nag-o-operate ang dalawa bago inalis ang PSAHelpline.

Kailangan dapat ay pag-aralang mabuti ng PSA ang kanilang desisyon sa biglaang pagtanggal sa PSAHelp­line. Kung hindi ay baka nga ipatawag ang pinuno ng PSA na si Dr. Dennis Mapa sa Kongreso upang ipaliwang ito.

Comments are closed.