MAY-ARI NG DAVAO-CROCODILE PARK PATAY SA AKSIDENTE

DAVAO DELSUR- BINAWIAN ng buhay ang may-ari ng Davao Crocodile park matapos itong maaksidente sa kalsada habang sakay ng kanyang motorsiklo nitong kamakalawa sa lalawigang ito.

Batay sa report ng Bansalan Police Station ang biktimang si Philip “Sonny ” Dizon, 64-anyos na kilalang negosyante ay agad na dinala sa Davao del Sur Provincial Hospital sa Digos City noong Linggo, ngunit kalaunan ay namatay dahil sa malubhang pinsala.

Ayon sa lokal sa pulisya, binabaybay ni Dizon ang kalsada ng Bansalan-Balutakay patungong Balutakay, Barangay Managa.

Inilihis umano ng negosyante ang kanyang motorsiklo sa outer lane para makaiwas sa paparating na sasakyan.

Nawalan ng kontrol sa kanyang Can-Am three-wheeled motorcycle na pagkatapos tumaob ay nahulog ang biktima sa isang konkretong lane.

Si Dizon ang may-ari ng Davao Crocodile Park, Dizon Farms, at Mount Apo Highland Resort sa Barangay Kapatagan, Digos City.

Si Dizon ay naging pangulo rin ng American Chamber of Commerce Davao City chapter.
EVELYN GARCIA