(May-ari ng laundry shop nagsauli ng P20K cash, relo, singsing) “NEGOSYONG ITINAYO KATAPATAN ANG PUHUNAN”

SABI nila may pera sa basura, pati rin pala sa labada.

At hindi lang basta pera, mayroon pang relo at singsing na napulot sa labada.

Kamakailan lang ay umani ng papuri mula sa mga netizens ang isang laundry shop matapos na ito ay magsauli ng halagang P20,000 sa kanilang customer.

At habang nito lamang Setyembre 11 ay muli na naman silang nagsauli ng Gold Plated Watch at Wedding Ring sa isa pa nilang customer.

Honesty is the best policy… Iyan ang prinsipyo ng isang  laundry shop na Liz Instawash na matatagpuan sa Marseilla Road, Brgy. Ligtong II, Rosario, Cavite.

“March 20, 2024 bago ko isalang sa machine ang mga damit ay pinipilian muna namin ung mga makapit na mantsa para kusutin, tapos kinakapkapan  namin ang mga bulsa. Dahil maaaring masira ang makina kung masasamahan ito ng ilang bagay. Nang kapkapan ko ang isang itim na short ay nakapa ko ang isang nakabalot sa plastic na inakala ko noong una ay isang papel lamang. Nang pagkuha ko nakita ko na pera pala na nakatali sa isang rubber band na nakaplastic na nagkakahalaga ng 20 thousand pesos, kung kaya agad kong tinext ung customer ko, ” kuwento ni Liz.

“Maaari kasing nag-aalala na siya ng mga oras na iyon. Agad naman po siyang pumunta sa aming shop para kunin ang nasabing pera. Laking pasalamat po niya dahil  pampasahod pala niya iyon,” dagdag pa nito.

“Gagawin namin ang lahat upang mapabuti ang aming serbisyo para sa inyo at umasa kayo na kami ay laging magiging matapat at magbibigay ng kalidad na serbisyo. Salamat  sa inyong pagtitiwala,” ayon pa kay Liz.

Ang kwento ng laundry shop na ito ay isa lamang sa nagpapatunay na tayong mga Pilipino ay taglay pa rin ang pagiging tapat sa kapwa sa kabila ng kahirapan ng buhay ay patuloy na mag-iiwan ng prinsipyo at takot sa Diyos at sa tao.

SID SAMANIEGO