IGINIIT kahapon ng isang Catholic priest, na kilala sa pagiging environment advocate, na dapat na panagutin ang mining company sa landslide na naganap sa minahan sa Itogon, Benguet na ikinasawi ng dose-dosenang minero at residente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong.
Ayon kay Father Edwin Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action, Justice and Peace ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at Caritas Philippines, walang ibang dapat na sisihin at managot sa pangyayari kundi ang Benguet Corporation.
Ang operasyon aniya nito ang naging dahilan upang magkaroon ng landslides sa lugar.
Sinabi ni Gariguez na ang naturang mining site ay kabilang sa mga lugar na ipinag-utos na isara ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez dahil sa hindi pagtalima sa environmental laws noong 2017.
Aniya, dapat ay isasailalim sa rehabilitasyon ang naturang lugar, ngunit sinasabing kumontrata umano ang naturang mining firm ng small miners upang ipagpatuloy ang kanilang operasyon.
“We need to make mining companies accountable. Justice means reparation for the damages,” ani Gariguez, sa pahayag na nakapaskil sa website ng CBCP.
“The community became even more vulnerable to disasters because of destructive mining activities of Benguet Corp.,” aniya pa.
Hinikayat pa niya ang DENR na pangunahan ang paggawa ng kaukulang aksiyon para panagutin ang naturang mining firm sa trahedya.
Nitong Lunes, ipinag-utos naman na ni DENR Secretary Roy Cimatu ang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng small-scale mining operations sa buong Cordillera Administrative Region (CAR). ANA ROSARIO HERNANDEZ