MAY ARI NG PHARMALLY BIOLOGICAL, NAGPASAKLOLO SA NBI

HUMINGI ng tulong sa National Bureau of Investigation ang may ari ng kompanyang Pharmally Biological na si Rose Nono Lin upang paimbestigahan at kasuhan ang ilang personalidad na sangkot di umano sa pagpapakalat ng malisyosong post sa mga social media pages kung saan inaakusahang drug lord ang kanyang asawang si Wei Xiong Lin,isang lehitimong negosyanteng Chinese sa bansa.

Maliban kay Lin at sa kanyang asawa ay dawit din sa mga mapanirang post ang kanilang mga menor de edad na anak maging ang partido ng Malayang Quezon City kung saan siya tumatakbo bilang kinatawan ng ikalimang distrito ng nasabing lungsod na di umano ay posibleng pondohan ng perang galing sa droga ang naturang organisasyon para sa kanilang pangangampanya.

“Malinaw naman po na ginagamit ang ganitong uri ng mga post para sirain ang aking pangalan habang papalapit na ang eleksiyon,” ayon kay Rose Lin.

Sa naturang Facebook posts na inilabas laban sa mag asawa, tahasang inisa-isa ang mga dahilan umano kung paano nasangkot ang padre de pamilya sa mga ilegal na gawain.

Kalakip ng naturang mga post ang litrato ng pamilya Lin, kopya ng campaign posters ng Malayang Quezon City, at mga larawang may kinalaman sa drug matrix na iniimbestigahan sa Senado.

Inisa-isa rin ang iba’t ibang news sources na naglalaman umano ng mga impormasyon tungkol sa mga kasong kinasangkutan noon kasama sina ex-presidential adviser Michael Yang at Johnson Chua na may kaugnayan naman di umano sa isang pangunahing sindikato ng ilegal na droga sa bansa, pati na ang iba pang mga isyung hindi na raw naimbestigahan nang mabuti o siniyasat man lang.

Giit ni Rose Lin, matagal nang napasinungalingan ang mga nasabing isyu laban sa kaniyang asawa dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya kung saan maging sa mga nakaraang pagdinig sa Senado, ay wala umanong kaso ang naisampa sa korte laban sa kanila.

Kampante rin si Lin nang sabihing ang asawang si Wei Xiong Lin ay may NBI clearance at isang lehitimong negosyanteng Chinese na nagbabayad ng tamang buwis. Tiwala rin daw siya sa kaniyang asawa at sa mga negosyo pinapasok nito.

Matatandaang sa House Hearing on Overpriced DOH Purchases noong ika-15 ng Setyembre, mismong si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva ang nagsabi at nagpakita ng mga ebidensiyang maglalayo sa asawa ni Lin sa personalidad ng Chinese National na si Wen Li Chen na naaresto noon sa Cavite sa kasong may kaugnayan sa droga at pinakawalan din kinalaunan dahil umano sa teknikalidad.

Tinawag din ni Villanueva na “tsismis” ang kuwento ng isang P/S Insp. Pirote noong 2017 na nagbubuhol sa personalidad nina Wen Li Chen at
Wei Xiong Lin na asawa ni Rose Lin.

Dagdag pa ni Villanueva, ipinasok umano ang litrato ni Wei Xiong Lin sa dokumentong Initial Profile of Drug Personality katabi ng litrato ni Wen Li Chen, at sinabing, “Akala nitong tao na ‘to ay kaya niya tayong bulagin o lokohin.” Idiniin din ni Villanueva na sadyang malaki ang diperensiya ng dalawang litrato at malinaw na isa itong kaso ng panlilinlang.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay naglabas din ng mga pahayag sa isang cabinet meeting noong Setyembre na naglilinis sa pangalan ni Michael Yang, kung saan iniuugnay si Wei Xiong Lin patungkol sa umano’y malawak na drug matrix mula kay former Philippine National Police Deputy Director Eduardo Acierto.

Ayon kay Lin, patuloy na ginagatasan ng mga troll ang pagkakadawit ng kaniyang pangalan at ng kumpanyang Pharmally Biological sa kaso ng Pharmally Pharmaceutical na kasalukuyang dinidinig sa Senado.

“Ang Pharmally Biological ay hindi po sister company ng Pharmally Pharmaceutical. Wala po akong kinalaman sa pagpapatakbo o operasiyon ng negosyo (nito). Wala po akong pagmamay-aring shares sa Pharmally Pharmaceutical. Wala pong pagmamay-aring shares of stock ang Pharmally Biological sa Pharmally Pharmaceutical,” paliwanag ni Lin sa isa sa mga Senate hearing.

Inihahain na ang kasong Republic Act No. 10175 o “Cybercrime Prevention Act” maging ang kasong Violation of Republic Act 7610 “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” laban sa mga personalidad na nasa likod ng naturang social media pages.