MAY BAGONG URI NG COVID-19 NA MAS NAKAKAHAWA

HAY naku! Ngayon pa naman na unti-unting bumababa na ang bilang ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa ating bansa, ay may panibagong uri ng nasabing sakit mas mabilis daw makahawa sa kapwa tao. Hindi lamang daw ito nakakahawa, tila walang bisa raw ang mga naunang bakuna laban sa Covid-19 sa nasabing bagong variant ng nasabing virus.

Binansagan ang bagong uri ng Covid-19 na Omicron na umusbong sa bansang South Africa. Tulad ng nangyari sa India kung saan nagsimula ang Delta variant, daan-daang libo ang tinamaan ng sakit na ito at marami rin ang pumanaw.

May mga dalubhasa na nagsasabi na ang mga bakuna na itinurok sa atin ay hindi naman garantiya laban dito sa nasabing bagong variant ng Covid-19. Kaya naman nagmistulang panandalian na proteksiyon lamang ito at maaaring tamaan pa rin pagkalipas ng ilang buwan tayo ng Covid-19. Kaya naman maraming bansa ang nagpapatupad ng tinatawag na booster shot o pangatlong turok ng nasabing bakuna upang magsilbing dagdag proteksiyon.

Subalit sa pagpasok ng nasabing Omicron variant ng Covid-19, nagkakandarapa ngayon ang mga siyentipiko na makahanap ng panibagong gamot laban dito. Sa katunayan, wala pang datos kung gaano kalakas o tindi ang nasabing variant.

Madaling sabihin, ngunit kung mahigpit lamang tayo sa pagpapatupad ng pagbabawal ng mga turista o dayuhan mula sa ibang bansa, marahil ay magiging matagumpay tayo na huwag pumasok ang nasabing Omicron variant sa ating bansa.

Kung baga sa negosyo, maganda ang puhunan ng ating bansa dahil wala pang nakakapasok na Omicron variant dito. Ano ngayon ang dapat nating gawin? Dapat ay mahigpit na ipagbawal natin ang kahit sino mang dayuhan o Pilipino na bumisita sa kahit na ano mang bansa na may naitala na nakapasok na ang nasabing Omicron variant.

Ayon sa pinakabagong ulat, ang mga bansa ng Australia, Belgium, Botswana, Britain, Denmark, Germany, Hong Kong, Israel, Italy, the Netherlands at South Africa. Hindi ba at ganito rin ang trato sa ating bansa nu’ng mataas ang bilang ng kaso ng Covid-19 sa ating bansa? Ipinagbabawal ang mga dayuhan na nagmula sa Pilipinas? Palagay ko ay ganito rin dapat ang gawin ng ating pamahalaan.

Dapat din ay ibalik muli ang 14-day quarantine sa mga dayuhan at mga balikbayan na lalapag sa ating bansa. Ito ay upang makasiguro na walang makalulusot na may nakakapagpasok ng Omicron variant sa ating bansa.

Kaya huwag tayo mapalagay ang loob na maski na bumababa na ang kaso ng Covid-19 sa ating bansa.

Kapansin pansin na panay na ang labas natin at nakikipaghalubilo sa matataong lugar. Ganun din ang maluwag na pagsuot ng face mask, paggamit ng alcohol at paghuhugas ng kamay.

Masuwerte tayo at buhay tayo ngayon at hindi tayo kasama sa mga biktima ng Covid-19 na wala na sa atin ngayon. Ang mga minamahal natin sa buhay. Ang mga asawa, kapatid, kamag-anak, kaibigan na pumanaw simula nang pumasok ang Covid-19 sa ating bansa halos dalawang taon na ang nakararaan.

Dapat ay patuloy pa rin tayong maging mapagmasid na hindi tayo tamaan ng sakit na ito.