MAY BALAGTASAN PA BA?

OO naman.

Kasi maraming nagmamalasakit .

Una, ang Cultural Center of the Philippines (CCP) ay may Balagtasan sa Performatura International Performance Literature Festival at may Diskarte ni Flor Abanto sa DZRH.

Ikalawa, ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ay may Philippine Cultural Education Program (PCEP) na nangangasiwa ng taunang Pambansang Paligsahan sa Balagtasan na isa tayo sa suking hurado.

Para sa taong 2023, mayroong zoominar – ang DIWANG: Sagisag Kultura ng Filipinas Balagtasan Workshop – para sa National Capital Region (15 Hulyo), Luzon (16 Hulyo), Visayas (22 Hulyo), at Mindanao (23 Hulyo).

Sa pamumuno ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario at ng direktor ng PCEP na si Joseph Cristobal, ang palihan ay may panayam ukol sa pangangatwiran sa Balagtasan ni Galileo Zafra ng Unibersidad ng Pilipinas na nasa likod ng librong Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya (1999) at Pambansang Balagtasan (2008).

Kasunod nito ang pag-aaral ng tugma’t sulat ng tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Komite sa Wika at Salin ng NCCA, at Kagawaran ng Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila na si Mike Coroza.

At ang pagtalakay sa pagtatanghal ng Balagtasan ng inyong abang lingkod.

Tayo kasi ang Lakandiwa ng triong kung turan ay MTV o Mike (Coroza), Teo (Antonio), at Vim (Nadera).

Tandem na sina Mike at Teo noon sa Balagtasan sa Singapore at tayo ang front act ng programang nai-dokumento ni Clodualdo del Mundo, Jr. sa Maid in Singapore (2004).

Formal kaming nabuo bilang MTV nang lumabas kami sa dulang Virtuso: Dalit ng mga Hanas (2003) ng NCCA Committee on Dramatic Arts.

Kaya, kung tutuusin, ika-20 anibersaryo na namin!

Nakapagtanghal na ang MTV sa loob at labas ng Filipinas.

Mula Pambansang Balagtasan (2009) hanggang sa Filipino-American Book Festival (2011 at 2013) sa San Francisco at Bowery Poetry Club Night (2011) sa New York.

Naging aktor na rin ang MTV sa pelikulang Tribu (2007) ni Jim Libiran, Ang Paglilitis ni Mang Serapio (2010) ni Khavn de la Cruz, at Respeto (2017) ni Treb Monteras.

Nang mangibambayan si Teo sa Estados Unidos, naiwan kami.

Sumaklolo ang The Makatas na sina Lester Abuel, Cristobal Alipio, RR Cagalingan, Dax Cutab, Soc De Los Reyes, Loaf Fonte, Eloisa Francia, Karl Orit, Karl Santos, at Mia Sumulong na pawang taga-Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo.

Bilang ambag, para makatapos sa Malikhaing Pagsulat 171 sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, kailangan ang video ng Balagtasan. Parte ito ng ating proyekto hinggil sa popularisasyon ng tula sa tulong ng Panitiktok.

PoeMTV ang tawag dito dati nang magturo tayo ng Performance Poetry sa UP Department of English and Comparative Literature noong 1995.

Pinakabunso sa kumuha ng nasabing aralin noong 2005 ay sina GP Abrajano at Siege Malvar na sumikat bilang The Batutes na nagba-Batutean o nagde-debate tungkol sa seguridad ng bansa na ang pinagtataluhan ay kung sino ang mas kapaki-pakinabang: si John Lloyd Cruz o si Piolo Pascual!

Lahat ng iyan ay maaaring mapanood sa nilulutong pakulo ng CCP.

Bisperas ngayon ng sentenaryo ng Balagtasan sa 2024.

Abangan.