Sa bayan ng Calbiga, Samar, may isang taong gulang na bata ang tahimik na lumalaban sa malubhang kondisyong tinatawag na Severe Acute Malnutrition (SAM). Ang pamilya ni Khrist Jay, bunso sa tatlong magkakapatid na may edad walo at apat, ay nakakaranas ng matinding kahirapan. Dahil dito, hindi natutukan nang maayos ang kanilang nutrisyon. Dagdag pa rito, malayo sa kanila ang kanilang amang nagtatrabaho bilang construction worker sa Maynila, kaya’t nahihirapan silang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Nagkaroon ng bagong pag-asa ang pamilya ni Khrist Jay nang mapili ang kanilang lugar bilang isa sa test locations para sa bagong SAM Outpatient Therapeutic Care (SAM OTC) benefit package ng PhilHealth. Agad nag-desisyon ang kanyang ina, si Christine Benitez, na i-enrol si Khrist Jay sa treatment package matapos irekomenda ng doktor. Isa siya sa mga unang benepisyaryo ng programang ito sa kanilang rehiyon.Noong Nobyembre 2023, bago magsimula ang gamutan ni Khrist Jay, siya ay may timbang na 4.6 kilo, taas na 60.5 sentimetro, at braso na 6.1 sentimetro. Tila isang marupok na manika ang kanyang katawan—sobrang payat at hindi akma sa kanyang edad. Ngunit sa tulong ng bagong programa ng PhilHealth, nagkaroon ng bagong pag-asa si Khrist Jay at ang kanyang pamilya.
Ang SAM OTC benefits package ay opisyal na inilunsad ng PhilHealth, sa tulong ng UNICEF, noong Oktubre 1, 2024. Ito ang kauna-unahang programa sa mundo na pinondohan sa pamamagitan ng isang national health insurance system at idinisenyo upang iligtas ang mga batang gaya ni Khrist Jay.
Ang SAM OTC Package ay nagbibigay ng mga serbisyo sa halagang P7,500 para sa mga batang wala pang anim na buwan at P17,000 naman para sa mga may edad na anim na buwan hanggang limang taon. Kasama sa pakete ang assessment, konsultasyon, follow-up counseling, at mga ready-to-use therapeutic foods (RUTF) na makatutulong sa pagpapataas ng timbang at pagpapagaling sa mga impeksyon sa mga batang may SAM.
“Bilang isang ama, malapit sa aking puso ang mga bata. Nalulungkot akong makita silang naghihirap sa matinding malnutrisyon dahil sa kakulangan ng sapat na nutrisyon at serbisyong pangkalusugan,” ani Emmanuel R. Ledesma, Jr., hepe ng PhilHealth.
Nakikita ang unti-unting pagbuti ng kanyang kondisyon at sa ngayon tumaas ang kanyang timbang sa 7.8 kilo at tumangkad ng 71.3 sentimetro. Ang dating tuyot at maputlang balat ay naging makinis at nagkaroon ng buhay, tanda ng pagiging malusog. Mula sa dating payat at mahina – si Khrist Jay ay naging masigla at puno ng buhay. “Ngayon malikot na siya. Medyo nakakatayo na siya, nagapang na rin,” ani Mommy Christine na puno ng galak. “Marunong na rin siya kumain ng kanin, mga prutas, gulay, kahit kamatis na hilaw kinakain, lalo na ‘yong carrots,” dagdag niya habang ikinukuwento ang mga munting tagumpay ng kanyang anak.
Ayon naman kay Anna Kristina Gaviola, isang public health nurse sa rural health unit ng Calbiga na nangalaga kay Khrist Jay, hindi matatawaran ang epekto ng interbensyon ng PhilHealth. “Dapat po ipagpatuloy itong SAM benefit package ng PhilHealth kasi malaki po itong tulong para sa mga pasyente lalo sa mga walang kakayahan na bumili ng saktong pagkain para sa kanilang anak at para malayo sa sakit ang kanilang mga anak,” ani Gaviola.
Ang kuwento ni Khrist Jay ay nagpakita kung gaano kaganda ang naidudulot ng tamang paggamot sa mga kabataang nakikipaglaban sa SAM. Ang sakit na ito ay isa pa rin sa pinakamalaking problema ng mundo na nakaaapekto sa halos 600,000 bata sa Pilipinas subalit kakaunti lamang ang nagkakaroon ng pagkakataong magpagamot.
Ang kamangha-manghang pagbangon ni Khrist Jay ay hindi lamang nagbibigay pag-asa sa mga pasyenteng may SAM, nag-uudyok din ito sa mga magulang na magbigay ng mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak. Ngayong masigla at malusog na ang kanyang anak, umaasa si Mommy Christine na marami pang batang matutulungan at mabibigyan ng pagkakataong mabuhay nang malusog at masaya gaya ng kanyang anak.
Nang dahil sa kanyang sariling karanasan bilang ina ni Khrist Jay, siya na rin mismo ang nagsusulong sa programang ito upang matulungan ang ibang bata na dumaranas ng malnutrisyon. “Kailangan po natin ipagpatuloy para rin sa mga batang matutulungan at maiwasan din ang mga sakit,” wika niya. Buong pusong pasasalamat niya sa PhilHealth para sa tulong na naibigay nito sa mga bata kasama na ang kanyang anak. “Maraming maraming salamat po sa PhilHealth na maraming bata na natulungan lalo na’t nakasama na po roon ang aking anak ngayon.”
Nananawagan naman si Ledesma sa madla na tumulong sa laban sa malnutrisyon. Aniya, “Hinihikayat ko ang lahat ng stakeholders, mula sa healthcare providers hanggang sa mga lokal na pamahalaan na samahan kami sa labang ito. Sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagpapalawak ng ating network ng mga provider, magiging mas epektibo ang ating paghatid ng serbisyong medikal sa mga nangangailangan, saanman sa bansa.”
Para sa karagdagang impormasyon ukol sa PhilHealth SAM OTC benefits package, bumisita sa www.philhealth.gov.ph, dumaan sa pinakamalapit na PhilHealth Local Health Insurance Office o tumawag sa hotline ng PhilHealth sa (02) 8662-2588.