(May bitbit na milyones) UTOL NI MICHAEL YANG NASAKOTE

AGAD na naharang bago pa makaalis ng bansa ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang nakatatandang kapatid ni 2018 Presidential economic advisor Michael Yang na mayroon pang bitbit na milyon milyong halaga ng cash.

Kinilala ng BI fugitive search unit (FSU) and intelligence division (ID) ang naarestong si Yang Jianxin, 54-anyos sa pakikipagtulungan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nang dumating ito sakay ng Cebu Pacific galing Cagayan de Oro.

Si Yang na guma­gamit din ng alias na Antonio Lim ay may kautusan na arestuhin sa ilalim ng mission order na inisyu ng BI.

Nahaharap ito sa deportation case dahil sa tinatawag na undesirability and misrepresentation matapos na magpanggap na Pilipino at pamemeke ng mga impormasyon hinggil sa SEC certification ng Phil Sanjia Corporation na kanyang pagmamay-ari.

Ayon sa PAOCC, inirereklamo rin ito ng kanyang mga em­pleyadong Pinoy dahil sa hindi pagre-remit ng kontribusyon sa Social Security System (SSS), PAG-IBIG, at  PhilHealth.

Itinurn-over si Yang sa kustodiya ng PAOCC na siyang mag-iimbestiga sa mga reklamo laban sa kanya.

Sinabi naman ni BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado na kung mapatunayan na guilty ang naaresto, mahaharap ito sa deportation at blacklisting.

Gayunpaman ang deportasyon ay mangyayari lamang kung mayroon ng resolusyon sa kanyang mga kaso.

PAUL ROLDAN