UMABOT na sa P173 milyon ang naipamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawang naghain ng mga reklamo laban sa kanilang mga employer sa unang anim na buwan ng taon.
Ayon sa DOLE, nasa 2,904 manggagawa mula sa Central Visayas ang nabenepisyuhan sa ilalim ng Single Entry Approach (SEnA) program.
Ito’y para sa iba’t ibang monetary claims para sa kanilang underpayment sa sahod; maternity claim; at hindi pagbabayad ng 13th month pay, holiday pay, night shift differential, service incentive leave, at overtime pay, at iba pa.
Naitala ang pinakamalaking halaga noong Mayo na umabot sa P103.5 milyon na ipinagkaloob sa 1,136 manggagawa.
Samantala, pinangasiwaan din ng DOLE ang pagbibigay ng mga sumusunod na monetary claim: P43.7 milyon sa 887 apektadong manggagawa noong Marso; P11.8 milyon sa 405 manggagawa noong Pebrero; P8.1 milyon sa 221 manggagawa noong Enero; P3.9 milyon sa 159 manggagawa noong Hunyo; at P1.7 milyon sa 96 manggagawa noong Abril.
Sinabi ni DOLE-7 Regional Director Lilia A. Estillore na ang positibong resulta ng SEnA, bilang alternatibong mekanismo sa pagresolba ng hindi pagkakaunawaan, ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang field offices ng DOLE-7. Para sa unang semestre ng taon, pinangasiwaan ng DOLE-7 ang 1,379 requests for assistance (RFAs) na may 84.70% settlement rate sa 97.75% disposition rate.
Pinasalamatan ni Direktor Estillore ang lahat ng Single Entry Assistance Desk Officers (SEADOs) sa kanilang pagsusumikap upang tiyakin na maisasaayos sa loob ng 30 araw o mas maaga sa itinakdang araw ng proseso ang lahat ng natanggap nilang kahilingan na tulong mula sa online SEnA o sa mga kliyenteng nagpunta sa kanilang tanggapan.
Mula Enero hanggang Hulyo 2023, tumatagal lamang sa lima hanggang anim na araw ang pangangasiwa ng DOLE 7 sa mga hiling na tulong.