MAY DUDA PA BA SA ELECTION SURVEY?

NAGLABAS na ng latest na presidential survey result ang Pulse Asia. Isinagawa nila ito noong kalagitnaan ng buwan ng Abril mula ika-16 hanggang ika-21.

Ayon sa Pulse Asia, halos walamg nagbago sa numero ng survey results.

Si BBM ay nangunguna pa rin na may 56%. Samantala, si VP Leni naman ay pumapangalawa na may 23%, isang porsiyento ang nalagas sa nakuha niya noong buwan ng Marso na may 24% .

Ayon sa survey ng Pulse Asia, tumaas ng 9% si VP Leni sa NCR ngunit nawalan ng 6% sa Luzon at 3% sa Mindanao.

Sa mga kandidatong hindi matanggap ang iba’t ibang grupo na nagsasagawa ng survey na hindi pumapabor sa kanila, ang palaging sinasabi nila ay “hindi sila naniniwala sa mga survey na iyan at ang tanging survey ay sa ika-9 ng Mayo kung saan boboto ang sambayanan.” Galing.

Ngunit kung ating titingnan at susuriin ang pamamaraan o methodology sa pagsasagawa ng mga survey na ito, pinagbabatayan ang siyensiya. Gumagamit ng mathematics bilang interpretasyon ng mga numerong lumalabas sa pagsasagawa ng survey.

Ang survey methodology ay isang malalim na pag-aaral na tinatawag na ‘sampling individual’ upang makakalap ng datos sa iba’t ibang grupo ng tao sa ating lipunan.

May prosesong ginagamit tulad ng uri ng mga katanungan na nagsasalamin sa kabuuang resulta ng nais nilang malaman. Sa ating pinag-uusapan ngayon, nais malaman ang pulso ng mga botante natin kung sino ang napipisil nilang mga kandidato na tumatakbo ngayon sa ating halalan.

Sa madaling salita, ginagamitan ito ng siyensiya. May kasabihan nga na “Math is an exact science.”

Hindi mo maaaring masabi na may isang daang piso ka kung kulang ng isang sentimo.

Tulad sa mga nakalipas at kasalukuyang survey results ng Pulse Asia, SWS, Laylo, Publicus, Octa Research at marami pang dekalidad na survey organizations, malinaw na laging lamang si BBM.

Kapag taliwas ang resulta ng eleksiyon sa ika-9 ng Mayo, dalawa lang iyan. May nagmaniobra ng resulta ng eleksiyon o kaya naman ay kalokohan ang kurso sa kolehiyo na Statistics and Research. Tanggalin na dapat iyan sa curriculum sa lahat ng kolehiyo at unibersidad.

Kung titingnan natin ang resulta ng survey, si BBM ay may 56%. Si VP Leni ay may 23%. Alam naman natin na ang pinakamalaking maitataas mo ay 100%. Kaya kahit doblehin pa natin ang 23% ni VP Leni sa nalalabing isang linggo, ang pinakamataas na makukuha niya ay 46%. May 10% pang lamang si BBM.

Ipagpalagay na rin natin na may ‘margin of error’ na 3% doon sa resulta ng survey, may 7% pang lamang si BBM laban kay Leni.

Palagi kong inuulit sa mga nakaraang kolum ko na hindi ibig sabihin ay maka- BBM ako. Pinagbabatayan ko lamang ang mga resulta ng survey na marami sa mga kampo nina VP Leni, Mayor

Isko, Sen. Pacquiao at Sen. Lacson ay nagsasabi na maaaring mali ang lumalabas sa survey.

Mapatutunayan ito. Ilang araw na lang ang ating hihintayin. Ang panalangin ko lamang ay maging maayos at mapayapa ang ating eleksiyon. Sana rin ay respetuhin ng sambayanan ang resulta ng halalan.

Tanggapin din ang resulta ng halalan ng maluwag sa dibdib ng mga natalong kandidato at suportahan nila kung sino man ang magwawagi. Tutal naman lahat ng mga kandidato, ang isinisigaw nila sa kanilang kampanya ay ito ay PARA SA BAYAN! Patunayan nila.