MAY FPJ MAGIC PA RIN (Grace Poe, laging top spot sa mga survey)

grace poe

MULING pinatunayan ni Sen. Grace Poe ang pangu­nguna sa mga survey nang siya rin ang mag-topnotcher sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia Research Inc. kaugnay ng 2019 Elections Senatorial Preferences nitong Disyembre 14-21, 2018.

Bago ito, si Poe rin ang No. 1 sa mga survey ng Issues and Advocacy Center (The Center) nitong Nobyembre 12-18, 2018, Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong Nobyembre 7-17, 2018 at halos dikit kay Sen. Cynthia Villar sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Disyembre 16-19, 2018 kaya nakatitiyak si Sen. Grace Poe na magiging topnotcher sa nalalapit na midterm elections sa Mayo 13.

Sinuportahan si Poe ng 75.6 porsiyento (%) sa tinanong nang face-to-face na 1,800 respondents na edad 18-anyos pataas, malayo sa pumangalawa na si Sen. Cynthia Villar, na may 66.6 % samantalang pumangatlo si Sen. Sonny Angara na may 58.5% at dating senador Pia Cayetano na nagtamo ng 55.4 %.

Para kay political strategist Perry Callanta ng Strategic Training, Organizing and Research Management (STORM) Consultants, malaki pa rin ang hatak ni Fernando Poe Jr. (FPJ) sa kandidatura ni Poe lalo sa Visayas at Min­danao.

“May ‘FPJ Magic’ pa rin talaga kaya sigurado ako na magiging topnotcher si Sen. Poe sa nalalapit na eleksiyon,” diin ni Callanta. “Maganda rin ang mga nagawa ni Sen. Poe sa Senado tulad ng pagpapahaba ng validity ng ating mga  pasaporte at drivers’ license sa ten years.”

Idinagdag niya na kitang kita ang lakas ng mahika ni FPJ kung bakit laging nasa Top 10 si dating senador at aktor na si Lito Lapid dahil sa papel nito sa seryeng “Probinsiyano” ng ABS-CBN.

“Maganda ang papel ni Lito Lapid sa ‘Probinsiyano’ kaya lagi siyang pasok sa Top Ten ng mga survey,” dagdag ni Callanta.

Naglalaro sa ikalima hanggang kapitong puwesto sina Lapid (49.8 %), Sen. Nancy Binay (46.7 5), at Sen. Koko Pimentel (45.5 %). Nasa No. 8 spot si dating senador Bong Revilla na may 37.6%; ikasiyam si Ilocos Norte Governor Imee Marcos (36.7%); No. 10 si dating senador Jinggoy Estrada (36.3); at No. 11 si dating Philippine National Police chief Bato dela Rosa (35.7).

Nagpantay-pantay sa ika-12, ika-13 at ika-14 na puwesto sina dating senador Mar Roxas (35%), dating senador JV Ejercito (33.6%) at senador Bam Aquino (32.6%).

Comments are closed.