PINATUNAYAN ni Senador Grace Poe ang linyang ‘strong independent woman’ makaraang muling dominahin ang pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) para sa mga tatakbo sa posisyon sa Senado.
Maliban kay Sen. Poe, nagpakita rin ng pag-angat sa survey ang isa sa pambato ng administrasyong Duterte na si dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go gayundin ang mga reelectionist na sina Sen. Sonny Angara at Bam Aquino.
Alinsunod sa survey na ginawa ng SWS mula Pebrero 25-28, 2019 nakuha ni Poe, tumatakbong independent candidate, ang 68% boto ng mga respondent.
Sinundan siya ni Senador Cynthia Villar na may 61%. Habang mula sa dating puwesto na ikalima hanggang ikaanim, umangat si Bong Go sa ikatlo sa listahan at nakakuha ng 47%.
Nanatili sa pang-apat si Senador Pia Cayetano, 43%, na sinundan ni dating Senador Lito Lapid, 41%. Pasok din sa Magic 12 sina Senador Sonny Angara, 40%, at Nancy Binay, 37%.
Umangat sa pangwalo hanggang pangsiyam mula sa pang-12 si dating Senador Jinggoy Estrada, 36%, tabla kay Mar Roxas.
Sinundan sila nina Senador Bam Aquino, dating Senador Bong Revilla, at dating PNP chief Bato Dela Rosa, na may 34%.
Ayon kay STORM Consultants strategist Perry Callanta, mahirap talagang tibagin sa pangunguna sa mga survey si Sen. Poe dahil may mahika pa rin ang ama nitong si Fernando Poe Jr. o FPJ.
“Kahit sino ang tanungin mo, malakas talaga si Sen. Poe dahil sa ‘FPJ Magic’ lalo’t pinaniniwalaang nadaya ito sa halalan nong 2004,” diin ni Callanta. “Kaya nga malakas din sa mga survey si Lito Lapid dahil sa kanyang papel sa ‘Probinsiyano’ ng ABS-CBN.”
Comments are closed.