MAY GINTO SA LTO-SAN JUAN, G. GUINTO

MASAlamin

TAMPOK si Land Transportation Office Law Enforcement Service Acting Director Clarence Guinto sa media kamakailan dahil sa pagsakote sa 12 na mga fixer.

Pero sawa na tayo sa ganitong palabas, maliliit na mga isda po ito boss. Bakit hindi sipatin ang tunay na malaking isda na matagal nang namamayagpag sa LTO?

Ginoong Guinto, baka hindi mo nalalaman na isang nagngangalang Bong ng LTO San Juan ang kumikita ng minimum P100,000 kada araw at solo niya umano ‘yan. Binabalatuhan lamang niya ang fixer o staff ng LTO ng P500 kada referral. P2,500 Ang singil sa license applicant na nasa 400 katao araw-araw, gayung P1,100 lamang umano ang resibo.

Hayan, halos P500,000 kada araw ang diretso sa bulsa ng sindikato, ngunit sa impormasyong nakalap ko P100,000 pataas ang napupunta sa kanya. Saan napupunta ang ibang salapi? Kanino inire-remit?

Kahit paano kuwentahin mukhang may napupuntang malaking halaga sa LTO main!

Matagal na gawain ni Bong umano ‘yan kaya naman sobrang yaman na nito, pati mga fixer tablado nito kaya solo ng sindikato niya ang kita.

Nawawala ang integ­ridad ng isang administrasyon kapag talamak ang korupsiyon dito. Katulad na lamang sa nakaraang administrasyon kaya naman wala silang maipagmalaki para sana maiangat ang mga kandidato nito sa pagka senador. Nawalan kasi ng integridad.

Sa ngayon ay laganap pa rin ang korupsiyon ngunit nananatiling popular si Duterte dahil nakikita naman ng lahat ang kanyang pagiging seryoso laban sa korupsiyon na mismong kaibigan at mga malaki ang naitulong sa kanya noong kampanyahan ng pagkapanguluhan ay pinagsisibak niya.

Sana ay kung ang lahat ng miyembro ng gabinete at pamahalaan ay kapareho ni Duterte ay may pag-asang malansag ang mga sindikato ng korupsiyon sa buong burukrasya. Kaso hindi.

Hayan, Ginoong Guinto maaaring wala kang kinalaman diyan kay alyas Bong, patunayan mo!