MAY GUSTONG PABORAN?

magkape muna tayo ulit

IMBES na makatulong pababain ang presyo ng koryente, gusto pa yata ni Senator Alan Peter Cayetano na lalong madehado ang mga kon­syumer.

Noong nakaraang linggo, nanawagan si Cayetano na ipatigil ang bidding ng Meralco para sa 600 megawatts nitong baseload supply na nakatakda sa susunod na linggo. Ayon sa kanya, ang terms of reference sa bidding na ito ay hinaharangan ang pagsali ng mga planta ng First Gen ng mga Lopez. Ha?!

Pero hindi ba ibig sabihin nito, mayroon siyang gustong paboran? Kasi kung tutuusin, hindi lang naman First Gen ang interesado sa kontrata. Kasama rin ang iba pang malalaking kompanya tulad ng Aboitiz, DMCI at San Miguel. Kaya nga mas matindi ang kompetisyon.

Sa totoo lang, mas mainam ang ganyang pro­seso kasi talagang magpapabaan ng presyo sa dami ng gustong makasungkit ng kontrata! Kaya nga mas maganda ‘yan para sa mga konsyumer.

Kaya ano itong ipinaglalaban ni Senator Ca­yetano na gusto pa yatang labagin ang mga patakaran at regulasyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) at ng Department of Energy (DOE)?

Ang bidding mismo na tinatawag na Competitive Selection Process (CSP) ay mandato ng pamahalaan at naglagay ng tamang proseso para makapaghatid ng sapat na suplay ng koryente sa oras ng pangangailangan — para may supply at walang brownout!

At saka hindi naman kalahok ang senador para humiling na ipagpaliban ang proseso.

Bakit tila ipinaglalaban niya ang interes ng isang generation company? Bakit hindi niya tanungin ang iba pang bidders? Parang hindi naman Meralco ang may pinapaboran kundi hindi siya. O, ‘di ba?

Wala pa nga yatang kompanya na opisyal na hiniling na ipagpaliban ang bidding. Ultimo ang First Gas Power Corp. at First NatGas Power Corp. na kumukuha ng fuel mula sa Malampaya gas field, hindi naman umiimik.

Kung tunay na mas mura ang koryente mula sa mga plantang ito, tiyak na isa na sila sa magsusumite ng proposal  para sa pinakamababang offer upang manalo sa bidding.

Pero kasi naman sa nakaraang CSP ng Meralco para sa supply na 1,200 MW, ang pinakamababang presyo ay mula sa South Premiere Power Corporation na nag-alok ng P7.07 per kWh.

Natalo ang First Natgas dahil nag- alok ito pinakamataas na presyo na P8.45 per kWh — na kung susuriin ay mas mataas pa kaysa sa P6 per kWh na aktwal nitong singil sa Meralco sa ilalim ng dati nitong kontrata. Ang laki ng diperensiya ha.

Ang CSP din ay technology neutral kaya hindi ito nagdi-discriminate sa isang planta o teknolohiya, habang isinasaalang-alang ang pagkuha ng sapat na koryente sa pinakamababang presyo.

Kaya itong kagustuhan ni Senator Cayetano na mapatigil ang CSP, parang pinalalabas niya na dapat lumabag ang Meralco sa CSP rules ng DOE at ERC para lamang paboran ang plantang sinusuplayan ng Malampaya.

Sino ba ang kikita dito bukod sa mga planta? Hindi ba ang operator ng Malampaya gas field na kasalukuyan hawak ng Prime Infra ni Enrique Razon?

Hindi kaila na si Enrique Razon ay ang big boss ng National Unity Party o NUP, kung saan si Senator Pia Cayetano—ang chairman ng Senate Committee on Energy at kapatid ni Alan—ay kasapi.

Ito kaya ang koneksiyon kung bakit ang hearing sa Senado ay naging pag-atake sa Meralco at San Miguel, at sa CSP na minandato ng ERC at DOE na dapat ay nakatuon sa mga rekomendasyon na nagtutulak ng competitiveness at pag usbong ng indigenous fuel tulad ng Malampaya?

Nagtatanong lang po.