(May helipad na, modernong12 ICUs pa) STATE OF THE ART OsMa IKINAKASA

OsMa

TINUPAD na ni Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang pangako na gagawing first-class health care institution, state of the art, flagship hospital ng lungsod ang Ospital ng Maynila (OsMa) na kayang makipagsabayan sa kilalang high-end na pagamutan sa bansa.

Kasabay ng selebrasyon ng ‘Araw ng Maynila’ sa ika-449 taong pagkakatatag nito ay pinangunahan ni Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang groundbreaking ceremony ng ‘Bagong Ospital ng Maynila’ na siyang papalit sa luma at sira-sira ng gusali ng OsMa na ayon kay city engineer Armand Andres, ay hindi na kayang remed­yuhan matapos ang ilang ulit na renovation.

Si Lacuna na isa ring doktor ang siya namang may overall supervision sa anim na district hospital na pinapatakbo ng lungsod.

Matatandaan na noong mga unang araw ni Moreno bilang alkalde ay nangako ito na magtatayo ng mo­dernong pagamutan na magiging katumbas ng mga mamahaling pribadong ospital at ikinatuwiran na ang pampublikong ospital ay hindi dapat na luma, marumi at nakakaawang tingnan.

Ayon pa kay Moreno, nais niyang maramdaman sa itatayong Bagong Ospital ng Maynila na ang mga mahihirap na residente ng lungsod ay espesyal at tunay na maaalagaan sa isang ospital na first-class ang serbisyo at mga kagamitan.

Samantala, sinabi ni Andres na ang itatayong ospital ay may 10 palapag at titindig sa loteng may sukat na 21,951 square-meter at mayroong 384-bed capacity. Kabilang sa mga katangian nito ay 12 intensive care units (ICUs), 20 private rooms, spacious emergency room, helipad at iba pang essential facilities. VERLIN RUIZ

Comments are closed.