(May kargang bigas) VIETNAMESE VESSEL SUMADSAD: 17 NAILIGTAS

PALAWAN- LABING PITONG tripulante ng isang Vietnamese vessel na may kargang tone-toneladang bigas ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Philippine National Police bago tuluyang sumadsad sa Balabac sa lalawigang ito kahapon.

Sa ulat ng Philippine Coast Guard, isang search and rescue operation ang inilunsad katuwang ang PNP Maritime Group para sagipin ang 17 crew ng Vietnamese-flagged cargo vessel Viet Hai Star sa dagat sakop ng Balabac Island.

Nabatid na may kargang 4,000 toneladang bigas ang Viet Hai Star ng sumadsad ito may 740 metrong layo sa Balabac Port.

Sinasabing galing ito sa Ho Chi Minh City at naglalayag patungong Cagayan de Oro City nang madiskubre na may butas ito sa kanang unahang bahagi ng cargo vessel.

Nabatid na bandang alas-9:00 kahapon ng umaga ay nakalubog na ang kalahati ng barko.

Agad na nagsagawa ng pagsisiyasat ang PCG sa posibleng oil spill at wala umanong nakitang tagas ng krudo o langis ang mga tauhan ng coast guard Marine Environmental Protection Unit na nagmumula sa Viet Hai Star.
VERLIN RUIZ