PINAYAGAN nang sumakay ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang mga batang may edad 18-anyos pababa na may kasamang matanda o guardian.
Ito ang inihayag ng pamunuan ng MRT-3, kasunod nang patuloy na pagpapatupad ng COVID-19 Alert Level 2 sa Metro Manila.
Ayon sa MRT-3, maaaring makasakay ang mga bata hangga’t kasama ang kanilang guardian sa priority section ng tren ng MRT-3.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin umano ang implementasyon ng 70% passenger capacity sa mga tren ng MRT-3, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health and safety protocols sa buong linya.
Pinamamahalaan ng mga train at platform marshals ang pagpapatupad ng wastong kapasidad sa mga tren.
Tinitiyak nila na nasusunod ang 7 commandments laban sa COVID-19, kabilang na ang 1) Laging magsuot ng face mask at face shield; 2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; 3) Bawal kumain; 4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga pampublikong transportasyon; 5) Laging magsagawa ng disinfection; 6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19; at 7) Laging sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.
Matatandaang iniakyat na ang kapasidad ng mga tren tungong 70% simula nitong Nobyembre 4.
Katumbas ito ng 276 na pasahero kada bagon o 827 pasahero kada train set. Ang isang train set ay binubuo ng tatlong bagon.
Bilang tugon na rin ito sa pagtaas ng demand sa pampublikong transportasyon sa Metro Manila, na sa kasalukuyan ay nakamit na ang 81.4% vaccination rate.
Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City. EVELYN GARCIA