HAY NAKU. Ewan ko ba sa iba nating mga kababayan na nagpapakalat ng ‘fake news’ tungkol sa kakulangan ng suplay ng koryente sa mga panahon na ito. Tila idinidikit nila ang krisis sa kakulangan ng tubig. Marahil nag-ugat ito sa pag-anunsiyo ng Meralco na magkakaroon ng pansamantalang brownout sa mga piling lugar dulot ng kanilang maintenance routine upang kumpunihin ang mga linya ng koryente na sakop nilang prangkisa.
Sana naman ay suriin natin nang husto ang sitwasyon bago magbitiw ng mga reaksiyon sa balita at social media na may kakulangan na rin tayo ng suplay ng koryente. Aba’y taon-taon na ginagawa ng Meralco ang regular maintenance shutdowns sa nakalipas na ilang dekada tuwing bago sumapit ang tag-init.
Marahil ay may ilan sa ating mga kababayan na nais lamang umepal, makiuso at makisawsaw sa isyu tungkol sa krisis sa tubig at idinidikit sa temporary power shutdowns ng Meralco nguni’t wala namang sapat na batayan. Ayon sa tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga na mga piling lugar lamang ang makararanas ng temporary o sandaling kawalan ng koryente sa kanilang lugar. Aabot lamang ito ng tatlong minuto o kaya ay maaaring humaba nang walong oras. Ang kaibahan lamang dito ay isang beses lamang mararanasan ang kawalan ng koryente. Hindi tulad ng nararanasan ng karamihan sa atin na sakop ng Manila Water na regular araw-araw na wala silang tubig ng mahigit sa walong oras.
Parang ikinukumpara ng mga umeepal at hindi nakauunawa sa isyu tulad sa paghambing ng prutas na mansanas sa saging. Malayong-malayo ang pagkakaiba. Iba ang isyu sa suplay ng tubig sa isyu ng suplay ng koryente. Sa tubig, nagkulang. Sa koryente naman ay dahil sa pagkukumpuni nito. May sapat na suplay tayo ng koryente.
Malinaw naman na ni minsan ay hindi tinatago ng Department of Energy o DOE kung tayo ay magkakaroon ng problema sa suplay ng koryente. Ganoon din sa Meralco. Regular na nag-aanunsiyo sila buwan buwan sa pamamagitan ng kanilang Meralco advisory ang mga mahahalagang kaganapan tungkol sa isyu ng koryente. Kung ito ay tataas o bababa at kung ano ang dahilan nito.
Kaya sana naman ay huwag na pumapel ang iba sa atin. Huwag na magrunong-runungan at magpanggap bilang kinatawan ng Meralco Advisory at mag-anunsiyo na may kakulangan tayo sa suplay ng koryente. Inuulit ko na ang mga panandaliang brownout ay dahil sa maintenance shutdown na isinasagawa ng Meralco at hindi power shortage.
Comments are closed.