“TAAS-noo ko pong ipinagmamalaki sa lahat na ako sa isang tricycle driver sa bayan ng Rosario Cavite na may malasakit at gintong puso sa kapwa…..”, ito ang mensahe ng 62 anyos na tricycle driver na si Armando Mercado, kasalukuyang naninirahan sa Manggahan Compound, Brgy. Sapa I ng bayan na ito.
Ganap na alas-10:20 ng gabi nitong Huwebes nang bumili si Mercado ng tinapay at bottle water sa Alfamart matapos na makaramdam ng gutom dahil sa maghapong pamamasada.
Nang paglabas nito ng pintuan ng naturang establisimiyento ay nanlaki ang mata niya dahil may wallet na itim sa harap niya.
Sandali siyang tumigil at tumayo matapos niyang pulutin ang wallet na itim, nagbabaka-sakaling may taong maghanap upang isauli ito sa tunay na may-ari.
Lumipas pa ang kinabukasan, minabuti nitong i-post ang wallet sa facebook at ilang saglit lang ang lumipas ay agad may nagkomento na nakakakilala sa may-ari ng wallet na Francis Ian Arnoco Masucol, isang Lalamove rider at kasalukuyang naninirahan sa Costa Verde Subd., Brgy. Tejero ng nasabing bayan.
“Hindi ako mapakali ng gabing iyon… Hindi ako mapakali hanggat hindi ko naisasauli ang wallet sa mayari. Alam kong hinahanap na niya ito. Hindi ko pwedeng ariin ang bagay na hindi ko naman pag-aari. May takot ako sa Diyos may malasakit sa kapwa. Kailangan kong maisauli ito”, madamdaming kwento ni Armando.
Nang makarating ang impormasyon kay Lalamove Rider ay ikinatuwa niya ito at agad kinontak ang 62 anyos na tricycle driver na si Armando.
Labis ang kasiyahan ng rider nang magkita ang dalawa at maisauli ang nawawala niyang wallet. Nagbigay siya na kaunting pabuya bilang pasasalamat sa kabutihan ng driver.
“Ang buong akala ko ay hindi na maisasauli ang wallet ko. Nandoon pa naman ang mga credit card ko na may lamang 94K at drivers license at mahigit P3,000 cash. Nagulat na lamang ako ng mabasa ng kakilala ko na may nagpost sa facebook na hinahanap ang tunay na mayari ng wallet”, kwento ng Lalamove rider.
Hindi na mabilang ang maraming pagkakataon na nagsasauli ng mahahalagang bagay ang mga tricycle driver sa bayan ng Rosario Cavite. Ang kaugaliang pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa ay buhay na buhay pa rin ngayon.
Si Armando Mercado ay 28 taon ng namamasada ng tricycle at kasalukuyang Pangulo ng Manggahan TODA.
SID SAMANIEGO