MAY LEON!

HINDI  isang uri ng hayop sa kagubatan kundi pangalan ng ika-12 bagyo na pumasok sa bansa si ‘Leon’ na may international name na Kong-Rey.

Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), pakanluran ang direksiyon ng bagyong Leon.

Ibig sabihin nito ay malawak ang mahahagip ng bagyo at posibleng tahakin ang mga dinaanan ng Bagyong Kristine.

Bagaman malayo sa landmass, nakaaapekto na ang Bagyong Leon sa panahon sa loob ng Philippine Area of Res­ponsibility.

Kung hindi naman magbabago ng direksiyon at bilis, ina­asahang sa Ryukyu Island ito magla-landfall.

Habang asahan din ang paglakas ni ‘Leon’ at  maaaring malagay sa ka­tegoryang typhoon.

Ang pinakamataas na maaring babala nito ay Tropical Cyclone Wind Signal Number 2.

Inilatag na ng PAGASA ang babala at kami bilang tagapaghatid balita ay nanawagan ng ibayong pag-iingat.

Napakaraming naging biktima ng mga nakalipas na bagyo at iyon sana ang maging aral sa atin upang makaiwas sa sakuna.

Sa panig ng pamahalaan, sana laging handa at mapagana ang mga pumping station at flood control projects.