MAY MALINAW BANG BATAYAN ANG FACEBOOK SA CENSORSHIP?

KAMAKAILAN ay biglang sinuspinde ng Facebook ang account ng spokesman at chief of staff ni presidential candidate Bongbong Marcos na si Atty. Vic Rodriguez. Kaya naman ang biglang pumasok sa aking isipan ay ano naman kaya ang ipinost ni Atty. Vic sa kanang FB account na aabot ang Meta Facebook na suspindehin ng isang buwan ang paggamit niya sa nasabing social media platform?

Inaamin ko, ako ay hindi masyadong gumagamit ng FB o kung ano mang iba pang social media platform tulad ng Tiktok, Twitter, Instagram o kung ano pang uri ng ganitong pamamaraan ng komunikasyon. Bakit? Marahil ay iniisip ninyo na ako ay isang ‘old school’ na ayaw sumabay sa makabagong trending sa social media. Maaaring oo at maaari ring hindi.

Isa lamang kasi ang napupuna ko sa social media, nawala na ang marangal at respeto ng pamamaraan ng komunikasyon. Marami na ang mga nasa social media na tinatawag na ‘mema’ o memasabi lang na komento maski na mas may laman pa ang inilalabas ng kabag sa ating tiyan!

Dagdag pa rito ay naging instrument na ang social media upang magpalaganap ng FAKE NEWS. Naging negosyo na ito sa pamamagitan ng pagbuo ng trolls sa social media. Dahil dito, nanganak naman ang tinatawag na ‘FACT CHECK’ ng kahit sinong agresibong tao na mahilig magsulat at mag-post sa social media ay maaaring magpanggap na malalim ang kaalaman sa kahit na anong isyu sa mundo lalo na dito sa umiinit na politika sa ating bansa.

Kaya naman, nakapagtataka nga kung bakit sinuspinde ang FB account ni Atty. Vic Rodriguez. Una, wala akong narinig sa kanya na naninira ng ibang kandidato na hindi sumasang-ayon sa ideolohiya ng kanyang boss. Pangalawa, hindi bumababa sa ‘batuhan ng putik’ si Atty. Vic tungkol sa mga isyu na ipinupukol laban kay BBM. Pangatlo, wala tayong narinig na akusasyon na walang basehan si Atty. Vic sa mga isyung nais niyang talakayin at ipaliwanag. Kaya naman nagbigay ng pahayag si Atty. Vic laban sa Meta Facebook bilang isang ‘act of censorship of the highest degree and interference on a sovereign act, digital terrorism no less,” Taas-noo pa siyang nagsabi na hindi siya magmamakaawa o mag-a-appeal sa Facebook sa maling ginawa nila.

Bakit siya sinuspinde ng Meta Facebook? Ayon sa tagapagsalita ng Meta, agarang ibinalik ang FB account ni Atty. Vic at ‘nagkamali raw sila at inakalang isang ‘imposter account’ at nasuspinde ang nasabing account na walang kinalaman daw sa mga laman na pinopost ni Atty. Vic….HA?! HUH??? ANO???

Anong klaseng paliwanag iyan mula sa isang korporasyon na kumikita ng bilyon- bilyong salapi ngunit hindi pala sila mabisa at mapanuri sa pag-monitor ng FB accounts nila. Ano iyan, parang roleta o larong Bingo? Kung ikaw ang tamaan ng check system ng FB na kailangang ma-censor ay sisigaw ka na lang ng BINGO!

Aminin natin, marami pa ang mas masahol na FB users. Kung mag-post sila ng mga laman ng kanilang FB account ay mababasa mo ang mga paninira, panlalait, pambabastos, at marami pang iba ng ganitong uri ng mga mensahe. Kaya naman nagtataka ako kung bakit ang mga ‘high profile’ FB accounts na sinususpinde ng Meta ay mula sa kasalukuyang administrasyon o kaya naman sa mga kalaban ng Pinklawan o Dilawan. Maaaring mali ako, ngunit may nabalitaan na ba tayo na FB account na ‘high ‘profile’ mula sa kampo ni VP Leni na puro cancel culture ang itinutulak sa social media na na-censor ng Meta FB? Nagtatanong lang po.