BAGO matapos ang buwan ng Mayo, ako at ang aking pamilya ay pumunta sa isang magandang restaurant sa Quezon City. Ito ay ang Las Casas Filipinas de Acuzar na matatagpuan sa 134 Fernando Poe Jr. Ave sa may San Francisco del Monte.
Ang tema ng nasabing kainan ay upang ipakita ang kasaysayan ng mga lumang arkitekto ng mga tahanan sa Pilipinas. May mga lumang bahay noong panahon ng Kastila at Amerikano mula sa Manila na inilipat sa malawak na likuran ng nasabing kainan. Maganda at maayos ang lugar. Kami ay namangha.
Subalit ang nakasira sa aming magandang karanasan sa Las Casas Filipinas de Acuzar ay nu’ng kumain kami sa kanilang restaurant at hindi tinanggap ang aming lisensya sa pagmamaneho at National ID na nagsasabing kami ay mga senior citizen upang makakuha ng diskwento.
Ayon sa mga tauhan ng Las Casas Filipinas de Acuzar, ang tinatanggap lamang nila ay ang opisyal na ibinigay ng LGU na senior citizen card lamang. Ha?!
Nagtataka lang ako dahil sa mga ibang restaurant, tinatanggap ang kahit anumang identification card na nagpapatunay na ikaw ay edad 60 years old pataas.
Ang kilalang election lawyer Romeo Macalintal ay hinabla ang dalawang kainan halos sampung taon na ang nakaraan dahil ayaw nilang tanggapin ang ibang ID na nagpapatunay na siya ay isang senior citizen. Ang nais nila na ipakita ni Atty. Macalintal ay ang opisyal na senior citizen card mula sa LGU. Kinalaunan ay humingi ng patawad ang nasabing mga kainan.
Malinaw kasi sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 9994, or the Expanded Senior’s Citizen of 2010, nakasaad doon na anumang klaseng ID na nagpapatunay na ang isang tao ay senior citizen ay sapat na upang mabigyan ng diskwento.
Ayon sa nasabing IRR:
“5.5 Identification Document—refers to any document or proof of being a senior citizen which may be used for the availment of benefits and privileges under the Act and its Rules. It shall be any of the following:
a) Senior Citizens’ Identification Card issued by the Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) in the city or municipality where the elderly resides;
b) The Philippine passport of the elderly person or senior citizen concerned; and
c) Other valid documents that establish the senior citizen or elderly person as a citizen of the Republic and at least sixty (60) years of age, which shall include but not be limited to the following government-issued identification documents indicating an elderly’s birthdate or age: driver’s license, voters ID, SSS/GSIS ID, PRC card, postal ID” (Article 5.5, Rule 3).
Malinaw na lahat ng mga tindahan ay kailangang tanggapin at bigyan ng diskwento ang mga mamamayan natin na may edad 60 years old pataas basta magpakita lamang ng wastong pagpapatunay nito sa pamamagitan ng dokumento tulad ng passport, driver’s license at maski na ang ating SSS/GSIS, PRC o postal ID.
Idinulog ko agad ito kay Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes. Nabigla siya at sinabi niya sa akin na matagal nang napagdesisyunan ang isyung yan. Tulad ko, nagtataka siya kung bakit may mga establisyimento na tila ignorante pa tungkol dito.
Heto pa. Hindi ba’t ang may ari ng Las Casas Filipinas de Acuzar ay ang ating kapita pitagang Sec. Jose ‘Jerry” Rizalino Acuzar ng Department of Humans Settlements and Urban Development (DSHUD)? Marahil ay hindi niya alam na may mga ilang tauhan niya na ignorante sa batas. Subalit nakipagmatigasan pa sa akin nu’ng aking ipinaliwanag na dapat ay tanggapin nila ang kahit na anong dokumento na nagpapatunay na senior citizen ang isang tao.
Tumawag sa akin ang legal consultant ni Rep. Ordanes na si Atty. Balcos at hiningi sa akin ang detalye ng nasabing insidente. Susulatan daw nila ang Las Casas Filipinas de Acuzar na mali ang ginagawa nila.
Hindi ko na pinilit noong araw na iyon at nagbayad ako na walang diskwento. Ayoko nang patulan dahil bilang isang senior citizen, ayaw ko nang ma-high blood at makipagtalo sa isang bagay na maliit lamang ang halaga. Ang diskwento na ibinibigay sa mga tulad naming senior citizen ay iginawad ng pamahalaan bilang isang pribilehiyo sa pagbabayad namin ng wastong buwis noong kami ay nagtatrabaho pa hanggang kami ay magretiro. Ito ang aming ambag sa ekonomiya ng ating bansa.
Tandaan. Ayon sa mga probisyon ng R.A. 9994, may mga karampatang parusa sa paglabag ng nasabing batas.