May mga Matatalinong Taong Magtuturo sa Atin

Heto Yumayaman

“KAYA nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo.” (Mateo 23:34)

Mahal na mahal tayo ng Diyos at gusto niya tayong pagpalain.  Dahil dito, nangako siyang magsusugo siya ng mga matatalinong tao na kinakasihan ng Banal na Espiritu para turuan tayo ng wastong uri ng pamumuhay, na siyang magpapayaman sa atin.

Kasama sa mga matatalinong tao na ito ay mga Christian scientists.  Nananampalataya sila sa Diyos at husto rin sila sa maka-agham na karunungan.  Mataas ang kredibilidad nila.  Isa sa mga ito ay si Sir Isaac Newton.  Sinabi ng dakilang scientist na ito, “Itong pinakamagandang sistema (ang sansinukob) ay maaari lang magmula sa Kaharian ng isang matalino at makapangyarihang Diyos.”  Para kay Newton, sapat ang ebidensyang binigay ng Diyos para tayo maniwala na mayroon ngang Diyos na gumawa ng lahat ng bagay.

Kitang-kita sa kanyang sanilikha – ang desenyo, ang kaayusan, at tumpak na sukat ng lahat ng bagay sa daigdig para magkaroon ng buhay sa sanlibutan. Todo-bigay ang pagkakagawa ng Diyos – ubod nang ganda at dami.  Walang katapusan ang kanyang pagkamalikhain.  At ang tao ay nilikha sa larawan ng matalinong Diyos.  Kaya dapat maging layunin ng bawat tao ang linangin ang kanyang talino at pag-iisip.  Ang pagbubulag-bulagan sa katotohanang mayroong matalinong taga-desenyo ng sansinukob ay hindi katalinuhan; isa itong malaking kaululan.  Pag magtatanga-tangahan ka, hindi mo ipinapayahag ang larawan ng Diyos na nasa iyo.

Klarong-klaro na mayroong kaaway ang Diyos na namumuhi sa Diyos at sinasabotahe ang lahat ng magandang plano ng Diyos.  Ang pinakadakilang nilikha ng Diyos ay ang tao.  Napakadakila ng talino at kakayahang ibinigay ng Diyos sa mga tao.  Ang plano ng Diyos ay gawin tayong katiwala at kinatawan Niya sa sanlibutan.  Inutusan ng Diyos ang tao na siyang mamahala sa buong mundo.  Sinabi niya, “Alagaan, pamahalaan at paramihin niyo ang lahat ng buhay na aking nilikha – ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat, mga hayop sa lupa, mga halaman at punong-kahoy.”  Ang tao ay dapat sanang maging maka-Diyos na panginoon ng sanlibutan.  Lahat ng mga hayop ay ipinailalim sa kapangyarihan nila.  Subalit ang kaaway ng Diyos ay mainggitin.  Gusto niyang siya ang maging “diyos ng sanlibutan.”

Gusto niyang alipinin ang mga taong nilikha sa larawan ng Diyos.  Ang malungkot, ang una nating magulang ay bumigay sa mapanlinlang na tukso ng kaaway.  Paraan ng kalaban ito para masakop ang sangkatauhan.  Dapat sana ay ginamit ng ating unang magulang ang kanilang kapangyarihan para palayasin at daigin ang kaaway.  Dapat sana ay pinanindigan nila ang kanilang pagka-panginoon ng sanlibutan.

Subalit lumabag sila sa kalooban ng Diyos, ang tunay nilang Panginoon, at ang sinunod nila ay ang kaaway.  Nagpasakop sila sa malupit at manlolokong kaaway.  Dahil dito, nawala ang kapamahalaan nila sa sanlibutan at napunta ito sa kamay ng kaaway.  Nang dumami ang mga anak ng tao, lahat sila ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kaaway.  Minana ng kanilang mga saling-lahi ang likas na pagkasuwail sa Diyos.  Ngayon, hindi na kailangang turuang magsinungaling ang bata; likas na sa kanya iyon.  Ang kailangan ay turuan silang gumawa ng tama.

Saan ba nanggaling ang malupit na kaaway ng Diyos?  Maraming ginawa ang Diyos na mga nilalang na buhay.  Samu’t sari sila.  Ang Kaharian ng Diyos ay punom-puno ng buhay.  Ang ilan ay tinatawag na mga Seraf; sila ay mga mang-aawit ng kaluwalhatian ng Diyos.  Mayroon ding mga Kerub; sila ay mga bantay sa trono ng Diyos.  Para silang mga security guards.

Dahil mga bantay sila, malapit ang puwesto nila sa luklukan ng Diyos.  Mayroon ding mga anghel; sila ay mga mensahero ng Diyos at mga mandirigmang kawal.  At marami pang ibang espirituwal na nilalang.  Ang mga tao ay nilikha para maging mga anak ng Diyos.  Ang mga nilalang na buhay ay nilikha para maging tagapaglingkod ng Diyos at ng tao.  Ang isa sa pinakadakila at magandang Kerub ay may pangalang Heylel.

Siya ay pinamagatang “Anointed guardian cherub” o “Hinirang na tagabantay na kerub.”  Para siyang pinuno ng mga kerub na tagabantay ng Diyos.  Sinabi ng Bibliya na nilikha siya ng Diyos na “perfect in wisdom and beauty” (ganap ang karunungan at kagandahan),  Ubod siya ng kisig at talino.  Pumapangalawa lang siya sa talino at kagandahan ng Panginoong Diyos na si Jesus.

Subalit hindi nakontento si Heylel sa kanyang mataas na posisyon.  Nabulag siya ng kanyang kagandahan at talino.  Naging palalo siya.  Hinangad niya ang kapangyarihan ng Diyos.  Sinabi niya, “Ako ay magiging kagaya ng kataas-taasang Diyos.”  Walang maililihim sa Diyos; nadiskubre ang masamang tangka ni Heylel.

Dahil sa talino nitong kaaway, nakumbinsi niya ang ikatlong bahagi ng mga anghel na sumapi sa kanyang rebelyon.  Nagkaroon ng digmaan sa langit.  Ang mga tapat na hukbo ay pinamunuan ni Arkanghel Miguel at kinalaban nila ang puwersa ni Heylel at kanyang kampon.  Nadaig ang puwersa ng masama.  Nawala na ang lugar nila sa langit at itinapon sila sa sanlibutan.  Nakita ni Heylel na nilikha ng Diyos sina Adan at Eba para maging pinuno ng daigdig.  Nainggit siya; ipinagpatuloy niya ang kanyang masamang balak sa ibabaw ng sanlibutan.

Sa kasawiang palad, sina Adan at Eba ay sumama sa rebelyon ni Heylel.  Pinalitan ang pangalan ni Heylel at tinawag na Satanas.  Ang tunay na kayamanan ay ang maging tapat sa Diyos na lumikha sa atin.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)