MAY NAKAAMBA NGA BANG PORK SHORTAGE?

MAITUTURING pa ring kalbaryo para sa mga negosyante ang African Swine Fever (ASF).

Kahit wala naman itong banta sa kalusugan ng tao, nakaaapekto ang mga paghihigpit sa suplay ng karneng baboy.

Nilinaw na rin naman iyan ng iba’t ibang ahensiya tulad ng Department of Health (DOH), Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), Department of Agriculture (DA), World Organization for Animal Health, at iba pa.

Mismong ang World Health Organization (WHO) na rin ang nagsabi na ang ASF ay nakahahawang sakit sa mga baboy at hindi mapanganib sa tao.

Ibig sabihin, hindi naman daw pala ito direktang nakahahawa sa atin.

May posibilidad nga lang daw na maisalin ng tao sa baboy ang virus kapag nakakain o nakahawak ito ng kontaminadong karne.

Ang ASF ay higit ngayong nakikita bilang isang sakit na naglilimita sa negosyong pangkalakalan.

Paano naman kasi, ang mga bansa o rehiyong may kumpirmado nang kaso nito ay tinatamaan ng mga paghihigpit sa internasyonal o pang-rehiyong eksportasyon ng karneng baboy at iba pang pork products.

Hindi naman natin sila masisisi dahil ang nais lang ng mga bansa o rehiyong ito ay mabawasan ang panganib na maapektuhan din ang kanilang lugar sa pamamagitan ng trade restrictions.

Sa bansang Portugal daw unang nagkaroon ng outbreak ng ASF noong taong 1957.

Sinasabing una namang nakita ang virus sa Sub-Saharan Africa noong taong 1920.

Matagal na ang ginagawang masusing pananaliksik ng mga dalubhasa para makahanap ng bakuna laban dito.

Subalit hanggang ngayon, wala pa ring opisyal na nadiskubreng bakuna o gamot na napatunayan na kayang puksain ang sakit, isang double-stranded na virus ng DNA (deoxyribonucleic acid) na humahantong sa isang nakamamatay na hemorrhagic fever sa apektadong hayop.

Ang may sakit na hayop ay nakikitaan ng iba’t ibang sintomas tulad ng kawalan ng ganang kumain, pamumula ng balat, pagsusuka at pagtatae.

Mula sa Africa, lumundag ang ASF patungong Europa dahil sa mga naibiyaheng kontaminadong karne hanggang sa Europa, Africa, Amerika at Asya sa paglipas ng mga taon.

Kung maaalala, nang tumama sa China ang virus noong 2018 at 2019 ay naapektuhan ang suplay ng karne ng baboy sa maraming parte ng mundo.

Kahit hanggang ngayon, may banta pa rin ng sakit sa ilang Chinese territories.

Nabanggit naman sa report ng Reuters kamakailan na mas pinaigting na ng mga farm sa China ang kanilang hygiene procedures upang hindi na kumalat ang sakit.

Sa Pilipinas naman, tanging ang National Capital Region (NCR) ang walang ASF hanggang nitong Abril 2023.

Mas matindi nga lang ang epekto at hagupit ng virus sa ilang apektadong probinsya.

Sa kabilang banda, gumagawa na naman ng mga hakbang ang administrasyong Marcos upang mapigilan ang pagkalat pa ng ASF.

Mahalaga nga namang mapigilan ang pagkakaroon ng pork crisis o shortage.

Nariyan din ang indemnification funds na inilalabas ng national government para sa mga apektadong hog raiser.

Sa palagay ko naman, kailangan ding bantayan ng pamahalaan ang posibleng pananabotahe ng mga ganid na negosyante sa suplay ng karne.

Dapat putulin ang pagsasamantala at pagkaganid nila sa panahong ito na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.