MAY NANGANGAMOY BANG MABAHONG ISDA SA COMELEC?

AYUN. Ilang araw na lang bago sumapit ang takdang petsa ng halalan ay binalot pa ng kontrobersiya ang Commission on Elections o Comelec. Ito ay tungkol sa naudlot na presidential debate na dapat ay naganap nitong nakaraang linggo sa Sofitel Philippine Plaza. Eh bakit hindi natuloy?

Bumulaga kasi sa balita na ayaw ng nasabing Hotel na ituloy ang nasabing naka iskedyul na debate sa kanilang lugar dahil may pagkakautang pa ang kinuhang organizer ng Comelec sa kanila na nagkakahalaga ng mahigit P15 million.

Ang masakit pa rito ay ilang beses daw tumalbog ang tseke ng nasabing organizer na unang ibinayad sa Sofitel Philippine Plaza (SPP). Pinangalanan ang organizer. Ito ay ang Impact Hub Manila (IHM).

Dahil sa malaking gusot na ito, maraming katanungan tuloy ang lumabas tungkol sa nasabing usapan o kasunduan sa pagitan ng IHM at ng Comelec. Ayon sa kasunduan ng IHM at SPP, magbabayad daw ang nasabing organizer sa SPP ng P20.595 million na huhulug-hulugan ng IHM ng apat na beses mula ika-16 ng Marso hanggang ika-20 ng Abril para gamitin ang nasabing hotel para sa presidential debate ng Comelec.

Subalit lumagpas na raw ang ika-20 ng Abril ay hindi pa raw nakakabayad ng balanseng P14.095 million ang organizer. Nakadagdag pa sa pagdududa ng SPP ay ang pagtalbog ng tseke ng IHM.

Dahil sa gusot na ito, pumasok sa eksena ang executive director ng Comelec na si James Jimenez at inindorso ang IHM sa SPP na bigyan pa ng palugit ang nasabing organizer upang bayaran nila ang nasabing pagkakautang. May kasulatan ang nasabing endorso ni Jimenez sa SPP.

Ooops! Teka. Tama ba itong ginawa ni Jimenez? Kaya naman nagtanong si Commissioner Rey Dulay kung bakit nagdesisyon si Jimenez na sumulat sa SPP at ginarantiyahan ang nasabing organizer na magbabayad bagamat tumalbog na ang kanilang tseke sa SPP. Ang mas nakakapagtaka pa ay hindi dumaan sa mga commissioner ang nasabing problema na nagresulta sa hindi pagtuloy ng presidential debate!

Hmmmm, ayoko man mag-isip ng masama pero parang may naamoy ako rito na hindi maganda. Ipag-baka sakali na natin na ang pakay ni Jimenez ay upang hindi masira ang Comelec sa publiko dahil sa problemang hindi matutuloy ang nasabing event dahil sa hindi pagbabayad ng IHM sa SPP, bakit hindi niya sinabi agad ito ng maaga sa kanyang amo? Ang tinutukoy ko rito ay ang mga commissioner ng Comelec.

Parang sinarili ni Jimenez ang problema. Bakit? Ayaw niyang mapagalitan o may isinasalba siyang commitment sa nasabing organizer? Nagtatanong lang po. Subalit ito ang mga nakasulat sa lihim ni Jimenez sa SPP:

“As the end-user of the said service contract, I commit that my office will closely monitor all budgetary disbursements to ensure that the allocated budget is apportioned to the activities that the service agreement stipulates,”.

“Likewise, in full support of the team behind Impact Hub Manila and its founder Celeste Rondario, I would like to offer my vote of confidence that the provider will honor the checks due to [PPHI],”.

Ang tanong, nasa kapangyarihan ba ni Jimenez bilang executive director ng Comelec itong mga ipinangako niya sa SPP o nasa Comelec commissioners? Tandaan, milyong piso ang pinag-uusapan dito.

Matagal na riyan sa Comelec si Jimenez. Ilang mga chairman na rin ang kanyang pinagsilbihan. Wala tayong narinig na isa mang kontrobersiya laban kay Jimenez tungkol sa korupsyon. Sana naman ay maipaliwanag niyang mabuti ito sa mga commissioner.