(May net worth na $8.3-B – Forbes) MANNY VILLAR RICHEST PINOY

SI TYCOON  Manuel ‘Manny’ Villar pa rin ang pinakamayaman sa Pilipinas na may tinatayang net worth na $8.3 billion, ayon sa 2022 Forbes World’s Billionaires List.

Si Villar ay sinamahan ng 19 na iba pang Pinoy na nakapasok sa elite list, na tumaas mula sa 17 noong nakaraang taon.

Ayon sa Forbes, ang tinatayang net worth ni Villar ay lumobo sa $8.3 billion  ngayong taon  — tumaas ng mahigit  $1 billion mula sa  kanyang iniulat na total assets na $7.2 billion noong 2021.

Ang real estate mogul ay ranked 263rd ngayon sa global billionaires, na malaki ang iniakyat mula sa 352 puwesto noong nakaraang taon.

Si Villar ang nasa likod ng Vista Land & Lifescapes, isang property development company na may kinalaman sa real estate at retail industries. Siya rin ang chairperson ng mall operator VistaMall.

Sumusunod kay Villar si ports magnate Enrique Razon Jr. na may tinatayang net worth na $6.7-B, na 369th sa worldwide index.

Nasa ikatlong puwesto si Henry Sy Jr., co-vice chairman ng SM Investments, na may $2.8-B na total assets, at 1096th sa buong mundo.

Pumang-apat si Chinese-Filipino billionaire Andrew Tan na may tinatayang net worth na $2.8B. Siya ang kasalukuyang chairperson ng Alliance Global, isang holding company na may interes sa food and beverage, gaming at real estate.

Magkasalo naman ang magkapatid na Hans Sy at Herbert Sy sa fifth spot na may tinatayang net worth na tig-$2.6-B. Sumusunod sa kanila ang  mga kapatid na sina Harley Sy at Teresita Sy-Coson na kapwa may total assets na $2.4-B.

Isa pang Sy heir — Elizabeth Sy — ang nasa ika-9 na puwesto na may tinatayang net worth na $2.1-B.

Si San Miguel Corp. president and CEO Ramon S. Ang ang tenth richest Filipino na may total assets na $2-B.

Ang iba pa sa 20 Filipino billionaires ay sina: 1,292 – Teresita Sy-Coson, $2.4 billion; 1,818 – Lance Gokongwei, $1.6 billion; 2,190 – Tony Tan Caktiong, $1.3 billion; 2,324 – Betty Ang, $1.2 billion;  2,324 – Lucio Tan, $1.2 billion; 2,324 – Grace Uy, $1.2 billion; 2,578 – Nari Genomal, $1 billion; 2,578 – Ramesh Genomal, $1 billion; 2,578 – Sunder Genomal, $1 billion; 2,578 – Roberto Ongpin, $1 billion; 2,578 – Dennis Anthony Uy, $1 billion.

Sa listahan, sina Ang, Grace Uy, mga Genomal at Dennis Anthony Uy ang mga bagong nakapasok.

Samantala, si Tesla CEO Elon Musk ang pinakamayamang tao sa mundo na may tinatayang net worth na $219 billion. Pinalitan niya si Amazon CEO Jeff Bezos.

Ayon sa Forbes, sa kasalukuyan ay may  2,668 billionaires sa buong mundo.

Mas mababa ito sa 2755 noong 2021. Ang kanilang combined assets ay bahagyang bumaba mula $13.1 trillion noong nakaraang taon sa $12.7 trillion. Sa naturang numero, 236 ang newcomers— mas kaunti sa 493 noong 2021.