NADAKIP ng mga tauhan ng Intelligence Unit ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) si dating Congressman Ruben Ecleo Jr., ang tinaguriang “Supreme Master ng Philippine Benevolent Missionaries” at ang isa pang kasamahan nito sa Diamond Subd., Balibago, Angeles, Pampanga kahapon ng madaling araw.
Sa report na isinumite ni NCRPO Director MGen Debold Sinas kayPNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa, ang pag-aresto kay Ecleo ay batay sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Sec 3 ng RA 3019 “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” na inisyu ng 1st Division Sandiganbayan.
Kasamang dinakip ang driver ni Ecleo na kinilalang si Benjie Relacion Fernan a.k.a. “Smile” ay inaresto rin dahil sa pagkakanlong sa suspek.
Ang dalawang suspek ay dinala sa NCRPO, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City sa interogasyon.
Si Ecleo ang number 1 sa most wanted reward list ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may patong na P2 milyon para sa kanyang ikadarakip sa loob ng 14 taong pagtatago.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang Toyota Grandia, mahigit P170,000 cash, fake IDs at alahas.
Matatandaang taong 2012, si Ecleo ay sinentensiyahan ng life imprisonment dahil sa pagpatay sa kanyang asawa sa Cebu City noong 2002 na kung saan ay sinakal niya ito at itinapon sa kagubatan subalit matapos ang ikatlong araw ay natagpuan ang bangkay ng biktima.
Pinagbabayad si Ecleo ng P25 milyon bilang compensatory damages sa pamilya ng kanyang asawa.
Nahatulan din si Ecleo sa kasong katiwalian noong 2006 kaugnay sa maanomalyang construction ng pamilihang bayan at town hall at repairs ng gusali ng kanyang kulto sa San Jose, Dinagat Islands noong alkalde pa ito. VERLIN RUIZ/REA SARMIENTO
Comments are closed.