MAY PAG-ASA PARA SA OSYs; SPES AT JOBSTART PROGRAMS MALAKING TULONG SA KABATAAN

NITONG pandemya, may iba’t ibang kuwento ang buhay ng bawat  isa sa mundo. Marami ang nagkasakit at marami rin ang sinawimpalad. Masuwerte man tayong nakaligtas sa sakit na dulot ng COVID-19, hinarap naman natin ang napakaraming hamon sa buhay, tulad ng mawalan ng trabaho at maubos ang kaunting napag-ipunan.

Marami sa ating mga kababayang salat sa buhay ang lalo pang dumanas ng hirap at pati mga anak, nahinto sa pag-aaral. Ang pangarap na makatapos, parang unti-unting lumalabo.

Pero panawagan po natin sa mga pamilya na may mga anak na estudyante na nahinto, huwag  tayong mawalan ng pag-asa. May mga paraan po para matupad ang pangarap na ‘yan.

Nariyan po ang Expanded SPES law (RA 10917) at ang JobStart Philippines Act (RA10869) na makatutulong sa ating mga anak na makapagtrabaho nang pansamantala at makalikom ng maaari nilang magamit sa muling pag-aaral. Sa pamamagitan din ng mga batas na ito, mas matututunan ng mga kabataan ang maging produktibo.

Bilang awtor ng mga batas na ‘yan sa Senado, naniniwala tayo na sa mga panahong ito na hinagupit tayo ng pandemya, malaking tulong ito sa mga pamilyang lubhang tinamaan ng epekto ng krisis.

Ang dalawang batas na ‘yan na napagtibay noong 2016 ay naglalayong matulungang makapagtrabaho ang libo-libong out-of-school youth, gayundin ang mga kabataang walang trabaho upang kumita at makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral.

Sa totoo lang po, taon-taon, libo-libong kabataang Pilipino ang natutulungan ng SPES at JobStart programs. Sa pamamagitan ng mga batas na ito, nagkakaroon sila ng sapat na karanasan sa trabaho na maaari nilang magamit kung sila ay makapaghahanap na ng permanenteng hanapbuhay.

Sa loob ng dalawang taon, nakalulungkot na napakalaki ng itinaas ng bilang ng ating OSY kasabay ng suspensiyon ng face-to-face classes dahil sa pandemya. Ang mga kabataan namang may trabaho, naapektuhan dahil marami sa mga negosyo at kompanya ang nagsara o kaya nama’y nagbago ng paraan ng kanilang operasyon.

Sa kasalukuyan, nasa establisadong sitwasyon ang bansa kaugnay sa usapin ng pandemya. At itong pagkakataong ito ang dapat samantalahin ng ating mga kabataan upang matulugan ng SPES at JobStart.

Dito po sa JobStart, layunin nitong sanayin ang mga kabataan na maging employable – ang mahulma ang kanilang responsibilidad. Ang maaari pong mag-apply dito ay mga batang may edad 18-24 at babayaran ang kanilang internship. Sa ilalim din nito, ang trainees ay pagkakalooban ng 10-day life skills training program upang maihanda ang mga ito sa mapapasukan nilang trabaho.

Habang sumasailalim sa skills and technical training period, nasa batas na tatanggap ng daily allowance ang JobStart trainees. At kapag napasok na sa internship, mayroon silang matatanggap na daily stipend na hindi bababa sa 75 percent ng umiiral na minimum wage na ipinatutupad ng local government kung saan sila namamasukan.

Sa SPES naman, maaaring makakuha ng temporary jobs ang mga batang may edad 15-30 ng hanggang 78 araw. Target natin sa programang ito ang ating OSY, pero sa Expanded SPES Law, nasakop na nito ang mga dependents ng mga manggaawang nawalan ng trabaho o mawawalan ng trabaho dahil sa biglaang pagsasara o pagtigil-operasyon ng pinapasukang kumpanya.

Dalawang batas po ito na masasandigan ng ating mga kabataan at mga pamilyang hinagupit ng epekto ng pandemya. Ito po ang ilan sa mga paraan upang makapagpatuloy ng pag-aaral ang ating mga anak at matupad ang kanilang pangarap na makatapos. Samantalahin po natin ang mga pagkakataong ito na nasa maayos-ayos na sitwasyon ang bansa patungkol sa COVID at kunin ang oportunidad na maitutulong ng mga nabanggit nating batas.