NAIS malaman ni Senador Risa Hontiveros kung sino ang nasa likod ng planong pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng people’s initiative.
“Ang tanging hangarin ng mga nasa likod nitong people’s initiative ay maiitsapwera ang mga miyembro ng Senado – na inihalal ng buong bansa – sa pag-amyenda o sa pagrebisa ng Constitution. Kaya makaaasa kayong babantayan natin ito nang matindi,” ayon kay Hontiveros.
“Kung itutuloy nila ang pagtutulak nito, dapat nating malaman kung sino talaga ang nasa likod at gumagastos nang malaki para sa ‘people’s initiative’ kuno,” dagdag pa niya.
Sa halip na pagtuunan itong “pekeng people’s initiative” dapat aniyang unahin ang problema sa sweldo, mataas na presyo ng bilihin, tugunan ang lumalalang korupsyon, at bantayan ang agresyon sa West Philippine Sea.
“Kasama ng bansang Pilipino ang Senado sa pagtaguyod ng demokrasya. We will not allow this to be an easy, one-sided fight. Tatapatan natin ng matinding laban ang pinaplano nilang panloloko at pambabastos sa ating Saligang Batas,” anang mambabatas.
Iginiit din ni Hontiveros na hindi matatawag na people’s initiative ito kung hindi ang publiko ang may pakana.
“Umpisa pa lang, nang mag-viral ang patalastas, halatang ang galaw na ito ay para lang sa kapakinabangan ng mga abusadong may nakatayang personal na interes. Kaduda-duda na yung mga organizer na nasa likod ng TV ad, at ‘yung mga kumakalat ng form ay ayaw magpakilala at nagtatago sa likod ng isang law firm,” sinabi niya.
LIZA SORIANO