KAKAIBA o nag-iiba ang ugali ng mga babae kapag may period o buwanang dalaw. Maraming kalalaki-han ang hindi ito maintindihan lalo na kung hindi nila pagtutuunan ng pansin. Para kasi sa ilang lalaki, hindi big deal ang nararanasan ng isang babae kapag may period ito.
Sa simula o kung hindi mo talaga pinagtuunan ng pansin o inaalam ang pagbabago ng ugali ng isang babae sa mga panahong may buwanang dalaw ito, talagang hindi mo maiintindihan. Pero bilang lalaki, kung aalamin mo o magiging curious ka, maiintindihan mo ang hirap na pinagdaraanan ng lahat ng mga kababaihan.
Delubyo para sa ilang babae ang dysmenorrhea o menstrual cramps. Dahil nga naman sa discomfort o hirap sa mga ganitong pagkakataon ay naapektuhan lalong-lalo na ang ating pagtatrabaho. May ibang mga babae na kapag may period ay namimilipit sa sakit at halos hindi makagalaw o ma-katayo. Kaya’t kahit na kailangang magtrabaho, napipilitan silang mag-leave. Pero may iba na kahit nahihirapan, pumapasok pa rin at nagtatrabaho.
Ang dysmenorrhea ay walang pinipiling oras. Puwedeng ngayong buwan ay maranasan mo ito at sa susunod na buwan ay hindi. Puwede namang buwan-buwan ay mangyari ang ganito.
Ayon sa research mula sa University College sa London, “period pain can be as bad as having a heart attack.”
Ngunit sa kabila ng hirap na pinagdaraanan ng isang babaeng sa tuwing magkakaroon ng period, hindi pa rin mapigil ang mga ito sa pagtatrabaho. Kumbaga, kailangan pa ring magtungo sa opisina upang gawin ang mga kailangang gawin. Kailangang makipag-deal sa makukulit o maiingay mong kasama sa office at kung ano-ano pa.
At dahil kailangang magtrabaho kahit may period, narito ang ilang tips na makatutulong upang maibsan ang period cramps o dysmenorrhea:
UMINOM NG MARAMING TUBIG
Kapag nasa opisina nga naman tayo, hindi maiiwasang mainis tayo o ma-stress sa mga patong-patong na gawain. Paano pa kung kinukulit ka ng boss mo o kasama sa trabaho tapos tila namimilipit ka pa dahil may period ka, e ‘di lalo ka lang makadarama ng inis. Iritable pa naman tayo kapag may period.
Sa mga ganitong pagkakataon, isa sa makatutulong upang maibsan ang kirot na nadarama ay ang pag-inom ng maraming tubig. Wala nga namang makalalampas sa kagandahang naidudulot ng tubig sa bawat isa sa atin. Makatutulong ito upang maging balanse ang hormones at maiwasan ang cramps.
HUMINGA NG MALALIM AT MAGLAKAD-LAKAD
Importante rin ang paghinga ng malalim para maibsan ang muscle cramps. Nakatutulong kasi ang paghinga ng malalim upang ma-relax ang belly. Para sa optimal relaxation, gawin ang paghinga ng malalim ng sampung beses.
Simple lang ang prosesong ito at kahit na nakaupo ka lang sa iyong upuan sa opisina ay magagawa mo.
Bukod sa paghinga ng malalim, mainam din ang paglalakad o pag-iikot-ikot sa loob lang din ng opisina. Makatutulong naman ito upang dumaloy ng mayos ang dugo at ma-release ang pressure sa blood vessels para maibsan ang pananakit o cramps.
IWASAN MUNA ANG KAPE AT JUNK FOOD
Kung may isa mang kasama na sa kinahihiligan nating inumin, iyan ang kape. Hindi ito puwedeng mawala sa kinahihiligang inumin ng bawat isa sa atin sa isang araw. Sa umaga pa lang ay iniinom na ito ng marami upang magising ang inaantok-antok na kalamnan at isipan.
Ngunit kung may menstrual cramps ka o dysmenorrea, kailangan muna itong iwasan. Ang caffeine kasi ay nakapagpapalala ng cramps.
Bukod pa sa kape, isa pa sa kailangang iwasan ang junk food. Ang maalat nga naman na pagkain gaya ng junk food ay nakapagpapataas ng bloating at discomfort. Bukod sa junk food, iwasan din ang fries at mga de-lata. Maaalat din kasi ang mga ito.
UMINOM NG CHAMOMILE TEA
Marami nga namang tea ang makatutulong upang maibsan ang pananakit o discomfort dahil sa period. At isa nga riyan ang chamomile tea. Mainam din itong pamalit sa coffee. Nakapagpapa-relax din ito ng muscle.
KUMAIN NG DARK CHOCOLATE
Isa naman sa mainam kahiligan lalo na kapag nananakit ang puson dahil sa period ay ang dark chocolate. Kapag nagtatrabaho nga naman tayo, hindi natin maiiwasan ang makadarama ng gustom. Madalas din tayong naghahanap ng kung ano-anong pagkain gaya na lang ng junk food. Masarap din kasing may nginunguya habang nagtatrabaho. Gayunpaman, dahil masama ang junk food isa naman sa mainam lantakan ang dark chocolate.
Maraming benepisyong naidudulot ang dark chocolate sa katawan at kalusugan. At isa nga rin dito ay nakatutulong ito upang ma-relax ang muscle. Kaya’t kahiligan ito sa tuwing may period.
Sa totoo lang, kapag may dinaramdam tayo sa katawan ay kinatatamaran natin gumalaw o magtrabaho. Pero gaya ng dysmennorhea o menstrual cramps, kahit na papaano ay may simpleng tips nang maibsan ang dinaramdam at makapagtrabaho.
Kaya naman, sa mga babaeng nahihirapan sa tuwing may buwanang dalaw, subukang gawin ang mga nakasulat na paraan sa itaas. CT SARIGUMBA
Comments are closed.