NAKASAAD sa Universal Health Care Law na bawat Filipino ay awtomatikong kasapi na sa National Health Insurance Program. Ito ay upang magkaroon ng health insurance ang bawat Pinoy para mapangagalagan ang ating kalusugan. Isa ito sa tiniyak ng batas dahil ang kalusugan ay prayoridad ng ating Pamahalaan.
Pero rehistrado ka na ba sa PhilHealth? Ang ibig sabihin ng rehistrado ay mayroon ka nang PhilHealth Identification Number o PIN. Kapag may PIN ay mayroon kang rekord sa PhilHealth. Ang PIN ay ina-assign sa bawat miyembro at ito ay permanente. Ibig sabihin kahit na magbago ka ng kategorya ng iyong membership sa mga darating na panahon, iisang PIN pa rin dapat mayroon ka. Ito ay upang matiyak na lahat ng rekord mo ay nasa ilalim ng iisang PIN lamang.
Ano nga ba ang pakinabang kung ikaw ay rehistrado sa PhilHealth? Simple lamang – ito ay upang maging hassle-free ang paggamit ng iyong benepisyo sakali man na kailanganin mo ito. Wala sa atin ang gustong magkasakit, pero ito ang magbibigay sa atin ng kapanatagan ng isipan sakaling dumating ang aberyang ito sa atin.
Narito ang paraan upang makapagparehistro sa PhilHealth:
- Punan nang tama at kumpleto ang PhilHealth Member Registration Form o PMRF na maaaring i-download sa www.philhealth.gov.ph.
- Ipadala sa pamamagitan ng email ang PMRF (pdf o jpeg format) sa actioncenter@philhealth.gov.ph kasama ang scanned copy/malinaw na larawan ng valid ID card at iba pang kinakailangang dokumento na makikita sa ibaba.
Gamitin ang “Subject” na ito sa email: Register <space> Name <space> City/Province, Region
- Matatanggap ang inyong PIN sa e-mail address na inyong itinala sa PMRF.
Maaari ring isumite ang mga ito sa malapit na Local Health Insurance Office (LHIO) o PhilHealth Express sa inyong lugar. Magdala ng isang (1) valid ID at dokumentong magpapatunay ng relasyon sa idedeklarang dependents.
Ano-ano ang mga dokumento na dapat ilakip sa PMRF?
- Direct Contributors maliban sa mga empleyadong may pormal na employment na walang ibang pinagkakakitaan, sea-based Filipino workers, at Lifetime members: Proof of Income.
- Lifetime Members: kopya ng Certificate of Retirement mula sa SSS o GSIS, o anomang dokumentong magpapatunay ng 120 buwang kontribusyon.
- Senior Citizen Members:
- Senior Citizen’s ID o anomang valid ID na magpapatunay ng pagkakakilanlan at petsa ng kapanganakan o edad;
- 1×1 latest ID picture; at
- Authorization letter at valid ID kung representative ang magdadala
- Land-based Overseas Filipino Members:
- Kopya ng Kontrata o valid OEC.
Kung ikaw naman ay isa sa mga Indirect Contributor kung saan gobyerno ang nagbabayad ng kontribusyon, ang barangay, lokal na pamahalaan o DSWD ang mamamahala ng pagrerehistro ninyo sa PhilHealth.
Sa kasalukuyan, ang mga indibidwal na naospital sa mga pampublikong pasilidad ngunit hindi pa rehistrado ay maaaring marehistro sa pamamagitan ng Point of Service (POS) kung kwalipikado. Maaring makipag-ugnayan sa Local Social Welfare Officer ng ospital tungkol dito.
Kung may tanong tungkol sa PhilHealth, magpadala ng text message sa 0921-6300-009 upang makatanggap ng callback mula sa aming Action Center. I-email ang inyong suhestiyon at kumento sa [email protected]. Sundan din ang aming posts sa aming official Facebook page na “@philhealth.gov.ph” at sa official Twitter account na @teamphilhealth.
BENEPISYO MO, ALAMIN MO!
Covered ng PhilHealth ang confinement para sa Diabetes Insipidus sa halagang P10,100 sa lahat ng accredited na level 1 hanggang 3 na ospital.