MAY PRICE CAP SA BIGAS AT TULONG MULA KAY COUN. DOK GEE LUMBAD!

MATAAS pa rin ang presyo ng bigas sa Metro Manila, pati na rin sa iba pang lugar sa bansa.

Hinihinalang kagagawan ito ng mga hoarder at smuggler.

Labis itong ikinaaalarma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kaya nagtakda na siya ng price cap sa bigas.

Matapos ang opisyal na deklarasyon ng probinsya ng Palawan bilang insurgency-free, hinimok ni PBBM ang mga mamamayan na isuplong sa mga kinauukulan ang mga hindi sumusunod sa itinakdang price ceiling kaugnay sa presyo ng bigas.

Sa kanyang inilabas na Executive Order No. 39, binigyang-diin na kinakailangang mapanatili sa tamang presyo ang mga ibinebentang bigas sa bansa.

Ang regular milled rice ay dapat na nasa P41.00 lamang kada kilo habang ang well milled-rice naman ay dapat hanggang P45.00 lamang kada kilo.

Maaaring magsumbong ang publiko sa Department of Agriculture (DA), local government units (LGUs), at Philippine National Police (PNP), laban sa mga retailer ng bigas na nagbebenta ng mas mataas sa itinakdang price ceiling.

Kung hindi ako nagkakamali, epektibo na ang price cap sa Setyembre 5 ngayong taon, araw ng Martes.

Dapat nating bantayan ito.

Samantala, super busy ngayon ni Konsehala Dok Gee Lumbad ng District 3, Quezon City.

Pasukan na naman kasi sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Iniikot ni Dok Gee ang iba’t ibang lugar para mamigay ng tulong.

Isa-isa na nilang pinupuntahan ang mga barangay ng District 3 para ipamahagi ang handog nilang libreng sapatos.

Kung hindi ako nagkakamali, ang Brgy. Bayanihan, Camp Aguinaldo, Dioquino Zobel, Quirino 2A at VMC ay dinayo ng #TeamDOKG noong Agosto 25.

“Patuloy po ang aming pag-iikot sa mga barangay. Abangan lamang po ang aming pagbisita sa inyong lugar,” pahayag pa ng masipag na konsehala.

Mabuhay po kayo at God bless!