UMMM. Teka, marahil ay nagulat kayo sa paksa ng aking kolum. Pero totoo. Ang New York City ay nagtalaga na ng isang eksperto upang puksain ang lumalalang populasyon ng mga pesteng daga sa kanilang lugar.
Kung titingnan natin ang imahe ng New York City, karamihan na nailalarawan natin sa ating isipan ay ang mga modernong naggagandahan at nagtataasang gusali. Kasama na rin dito ang iba’t ibang mga makasaysayang lugar na naging simbolo ng pagsisimula ng pag-unlad ng Estados Unidos. Ang mga ganitong larawan ay nakikita at napapanood lang natin sa telebisyon o kaya naman sa pelikula.
Subalit sa likod ng kanyang imahe, matindi pala ang suliranin nila sa pagpuksa ng mga pesteng daga. Alam naman natin kung ano ang maaaring dalhin na sakit ng daga bukod pa sa paninira ng mga gamit sa mga tahanan.
Ayon sa mayor ng New York City na si Eric Adams, itinalaga niya si Kathleen Corradi bilang director of rodent mitigation. Ang ibig sabihin nito ay ang kanyang pangunahing trabaho ay puksain ang lumalaking bilang ng daga sa kanilang lungsod. Si Corradi ay dating guro at eksperto sa waste management. Tatanggap ng suweldo si Corradi na $155,000 kada taon.
Ayon sa mga bali-balita, halos parehas na raw ang dami ng daga doon sa populasyon ng mga naninirahan sa New York City. Noong 2015, may nakunan na video kung saan isang malaking daga na naglalakad sa kanilang subway station na tangan-tangan sa kanyang bunganga ang isang malaking piraso ng pizza. Tila wala nang pakialam ang mga daga maski na may mga commuter na naghihintay ng sakay ng tren.
Alam naman natin na ang New York ay malakas din sa pag-aksaya ng mga pagkain. Kaya naman hindi kataka-taka na pista ang mga daga doon na naghihintay lamang sa gilid ng kanilang mga basurahan. At alam ba ninyo na nagtayo pa ang New York City ng “Rat Academy”? Ito raw ay upang makatulong sa pagbibigay edukasyon upang makatulong na mabawasan ang populasyon ng daga. Huwaw!
Tulad dito sa Metro Manila, marami ring daga dito. Sa katunayan, ang sakit na leptospirosis ay mula sa dumi ng daga na nakasama sa tubig baha tuwing pagsapit ng panahon ng tag-ulan. Hindi rin biro ang populasyon ng daga sa Metro Manila.
Aabot kaya ang Metro Manila o sa mga progresibong mga lungsod sa Pilipinas na magkakaroon ng pangangailangan ng isang ‘Rat Czar’? Sa ngayon, ang Metro Manila ay mayroon nang ‘Traffic Czar’ sa ngalan ng ahensiya ng MMDA.
Huwag naman sanang umabot sa sitwasyon na maging isang malaking suliranin ang paglaki ng populasyon ng daga sa Metro Manila.
Maging masinop, malinis lagi ang ating kapaligiran. Huwag dapat nating hayaan na dumami ang daga sa ating lugar.