MAY RIGODON BA SA GABINETE SA SUSUNOD NA BUWAN?

MALAPIT nang magtapos ang buwan ng Mayo. Abangan natin na sa pagpasok ng buwan ng Hunyo, maaaring magkaroon ng anunsiyo ang Malakanyang sa mga bagong mukha sa kanyang gabinete.

Karamihan sa maaaring bagong miyembro ng gabinete ay mga politikong natalo noong nakaraang eleksiyon.

Matatapos na kasi ang tinatawag na one-year appointment ban ng Comelec kung saan ipinagbabawal na pumasok muli sa serbisyo publiko ang mga kandidato na hindi nagwagi noong May 2022 elections.

Ito ay pinagtibay kahapon nang sabihin ni PBBM na magkakaroon ng reorganization ang kanyang gabinete sa susunod na buwan. “Yes, there’s really going to be – I don’t know about reshuffle but – a reorganization of the Cabinet,” ang sabi ni Pangulong Marcos.

Sa totoo lang, kakaiba ang sistema at nangyari sa administrasyon ni Marcos sa nakalipas na isang taon. Matatandaan na may mga ilang na-appoint sa puwesto noong mga unang buwan matapos na opisyal na nanungkulang si PBBM bilang pangulo ng ating bansa.

Halos lahat ng na-appoint noong panahon ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez ay pinagpapalitan matapos na siya ay mag-resign. Kasama na rito sina dating Press Secretary Trixie Angeles, Philippine Sports Commission Chairman Noli Eala, National Electrification Administrator Benny Antiporda at ilan pang mga undersecretaries, commissioners at director sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.

Malakas ang ugong noon na ang pagsibak ng mga appointed officials ay dulot ng gusot sa pagitan nina ES Rodriguez at First Lady Liza Araneta Marcos o mas kilala bilang LAM.

Marami ang nakapuna na mabagal ang usad ng pag-aanunsiyo ng mga presidential appointees sa administrasyon ni Marcos kung ito ay ikukumpara sa mga nakaraang administrasyon.

Marami rin sa mga kasalukuyang na-appoint ay ‘acting position’ pa lamang. Hindi pa permanente ang kanilang appointment at maaari silang palitan sa isang kurap.

Sa ngayon, wala pang tunay na namumuno sa Department of Agriculture, Department of Health at Department of National Defense na kung tutuusin ay naging kontrobersyal sa unang taon ng pamumuno ni PBBM. Sa DA, nagkaroon ng isyu sa kakulangan ng suplay sa asukal, bigas at sibuyas. Sa DoH naman ay ang isyu sa patuloy na kampanya natin laban sa Covid-19, dengue at marami pang iba. Samantala sa DND naman ay naging mainit ang usapan sa magulong palitan ng AFP chief-of-staff sa pagitan nina Gen. Bartolome Bacarro at Gen. Andres Centino.

Sa ngayon kasi si PBBM ang namumuno sa DA. Samantalang sina Undersecretary Maria Rosario Vergeire at Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. naman ang mga officers-in-charge sa DOH at DND.

Malakas ang ugong na ang natalong senatorial candidate na si Gilbert ‘Gibo’ Teodora ang napipisil na hahawak ng DND sa susunod na buwan. Si Teodoro ay naging DND Secretary noong panahon ni Pres. Gloria Macapagal Arroyo.

Tumakbo si Teodoro sa pagkapangulo sa ilalim ng LAKAS-NUCD noong 2010 presidential elections kung saan ang kanyang pinsan na yumaong Noynoy Aquino ang nagwagi.

Sino kaya ang mga susunod na i-a-appoint ni PBBM sa susunod sa buwan? May mga usap-usapan na ang natalong vice presidential candidate ni Isko Moreno na si Dr. Willie Ong ang susunod na DoH secretary.

Marami pang lumulutang na pangalan na papasok sa gabinete ni PBBM. Bukod dito ay magkakaroon din daw ng rigodon kung saan ililipat ang isang kalihim na pinagkakatiwalaan ni PBBM bilang kanyang Executive Secretary. Hmmmm.

Mukhang umpisa na naman ng galawan, gapangan sa loob ng palasyo upang sila ay ma-appoint sa susunod na buwan. Abangan na lang natin.